Advertisers

Advertisers

SUGAL SA ORIENTAL MINDORO, HAMON KAY GEN. QUESADA? (PART-2)

0 20

Advertisers

2024 NA hindi pa rin nasasawata o napatigil ng Philippine National Police ang matagal nang operasyon ng ilegal na sugal sa Oriental Mindoro.

Ito ay kahit sandamukal ang reklamo na nakararating sa BALYADOR, ay wala pa ring aksyon na ginagawa dito ang mga opisyal ng nasabing probinsya na tulad nina Governor Humerlito “Bonz” Dolor at Oriental Mindoro Provincial Director PCol Samuel Delorino laban sa “jueteng corporation”.

Ayon sa reklamo, ‘malamya’ ang gobernador provincial tumugon sa kampanya ng pamahalaan kontra ilegal na sugal.



Sinabi ng source na malabo at walang kasiguraduhan na mapahihinto ang ilegal na sugal ng administrasyong Dolor sa kabila ng panawagan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na sugpuin ang ilegal na sugal, partikular ang jueteng na front ang Small Town Lottery o STL.

Base nga sa memorandum na inisyu kamakailan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong nakaraang taon (Abril 22, 2022), inatasan dito ang local government units (LGUs) sa pagpapahinto sa operasyon ng STL cum jueteng pero imbes na tugunan at makiisa sa pamahalaan ay mismong LGUs diumano ang kumuha ng prangkisa para magkaroon sila ng malaking kita.

Pati nga raw ang national project ng Office of the President na Small Town Lottery sa PCSO ay pinanghihimasukan na rin ng ilang maimpluwensyang politiko sa Oriental Mindoro kung saan ipinangangalandakan pa nila na malakas sila kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at kay First Lady Liza Araneta Marcos.

Ayon sa source, kaya umanong pasunurin si PCSO General Manager Melquiades Robles sa kagustuhan ng ilang maimpluwensyang LGUs at pangingialam ng mga ito sa Franchise ng STL, maging ang pangha-harass nila sa STL operator kung saan inutusan pa nga raw ang PCSO GM na palitan umano ang STL sa Oriental Mindoro.

Ang matinde dito, naging hi-tech jueteng pa ang operasyon ng jueteng sa Oriental Mindoro dahil ang tayaan GCash at GCash din ang bayaran ng patama na ang resulta ay ipinadadala diumano sa pamamagitan ng Facebook messenger.



Sinabi din ng source, na ang mga maimpluwensiyang pulitiko ang diumano’y nangangasiwa sa “jueteng corporation” sa nasabing probinsya na meron diumanong direktang koneksyon sa Palasyo ng Malacañang at Camp Crame!

Bunga nito, dapat paimbestigahan ni DILG Secretary Benhur Abalos ang hindi mapatigil na operasyon ng STL cum jueteng, na sinasabing kakambal ng sugal ang iligal na droga na malala ngayon sa nasabing lalawigan.

Bakit ko nga pala nasabing hi-tech jueteng, kasi nga lahat ng kubrador, kabo at mananaya ng jueteng ay may mga sariling apps sa kanilang cellphone at doon din mismo ipinadadala ang kanilang taya.

Kahit sa mga patama ay ‘paper less transaction’ na rin dahil ipinadadala sa GCash at PayMaya ang bayaran.

Lahat ng kabo, kubrador at table manager ay naka-unli load para nga naman sa oras ng tayaan, bayaran at ingreso ay hindi sila mauubusan ng pondo.

Totoong mahirap itong hulihin ng mga awtoridad pero wala naman sigurong kokontra sa matagal nang kasabihan na: “Kapag gusto ay may paraan, at kapag ayaw ay maraming dahilan”.

Kung tutuusin, challenging ang mga impormasyong ganito para kay Secretary Abalos dahil kahit anong lalim ng sindikato – hi-tech man sila o ano pang kakaibang diskarte at pamamaraan – tungkulin, trabaho at obligasyon ng mga awtoridad na sila’y sawatahin.

Habang sinusulat natin ang impormasyon ay pilit nating kinokontak ang telepono ni Gov. Dolor subalit ring lamang nang ring ito, kaya minarapat natin mag-padala ng mensahe sa pamamagitan ng text messages.

Infairness kay Gov. Dolor, kilala nating matino at mahusay na public servant ang mamang ito na naging lider din ng Sangguniang Kabataan (SK), na hanggang ngayon ay iniidolo ito ng maraming kabataan, na laman lagi ng simbahan.

***

Samantala bukod sa STL cum jueteng ay ‘open’ na uli ang sugal sa loob ng perya tulad ng drop ball at color games saan mangsulok ng barangay sa bawat bayan sa Oriental Mindoro na minsan ng pinatigil ng dating Regional Director PBGen Joel Doria, kaya malaking hamon ito ngayon sa bagong talagang Regional Director ng PRO MIMAROPA na si PBGen Roger Quesada.

Tutukan natin!

***

Suhestiyon at reaksyon tumawag sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email sa balyador69@gmail.com