Advertisers
TALO ng ambisyon ang uri ng pagkatao kung politikong Pinoy ang pag-uusapan. Kapapasok lang ng buwan ng Enero ng bagong taon nagsimulang humakbang agad ang ambisyosong si Waray Buot at ibig amyendahan ang Saligang Batas ng Bansa. Hindi nasiyahan sa pwestong tangan at ang pagkakabuo ng Maharlika Investment Corp., na bilyon bilyon pisong puhunan ang inilabas ng mga korporasyon ng pamahalaan heto‘t kumikilos na si Waray Buot upang mapatagal ang pagkakahawak sa pwestong tangan. Gamit ang kalatas na pinadala sa mga lokal lider upang pangunahan ang pagsulong sa pag-amyenda ng Saligang Batas. Gamit ang tinatawag na People’s Initiative kuno, bumaba na sa pamayanan ang PI para sa pagnanais na pag-amyenda ng saligang batas. Sa kilos na gawa, ibig mag mukhang galing sa baba ang pagnanais na pagbabago sa saligang batas. Ngunit at sa totoo lang, may bayad ang PI mula sa kung sinong Pilato na ibig na baguhin ang saligang batas.
Bakit uunahin ang pagbabago sa Saligang Batas gayung sawa na ang Batingaw na banggitin na hindi na magkasya ang kakarampot na sahod ni Mang Juan sa taas ng halaga ng mga bilihin. At ang taghoy ng mga tao sa laylayan higit ni Aling Marya dahil sa sobrang taas ng bilihin na kailangan sa araw-araw. Kulang na kulang ang inaabot na sahod ng asawa at maging ang bayad ng kapit bahay sa maghahapong paglalaba. At sa mahal ng bilihin, pinatigil ang mga anak sa pag-aaral ng makatulong sa paghahanap ng kabuhayan ng makaraos sa araw –araw at sa buwanan gastusin tulad ng ilaw, tubig at upa sa masikip na barong barong. Ang masakit, pati ang pangakong P20.00 na bigas ay patuloy na lumalayo sa hapag ng mga maralita. Sa muling pagtaas ng presyo ng gasolina, asahan na parang tanikala na gagalaw ang presyo ng iba pang bilihin pataas. Subalit tikom ang bibig ng pamahalaan sa unang bangit na ang implasyon ay ‘di tataas sa 4.8%, bumaba ng malaman ang pasan ng bayan.
Sa likod ng usaping bayan, humakbang ang lider ng bansa na tila ayaw ng bumitaw sa pwestong tangan sa ibig na palawigin ang termino ng mga mambabatas na nagpapahirap sa kabuhayan ng tao sa laylayan. Silip ng lider ni Waray Buot na panahon na kuno upang mabago ang saligang batas upang tumugma sa pangangailangan ng bansa. Sa likod ng ibig na pag-unlad kuno ng bayan, ang tumagal sa pwestong tangan ang ibig at siyang isusulong. Dahil hindi dama ang kahirapan nina Aling Marya at mga tao sa laylayan, walang ‘di gagawin upang maganap ang nais na pagbabago sa saligang batas. Nakita ba ng lider ng kongreso ng patigilin ang mga anak ni Aling Marya sa pag-aaral upang may maisubo. At heto, gamit ang tao sa laylayan, nagpapa-ikot ng papel na ibig palagdaan para sa kapakinabang ng iilan. Papel na ‘di batid ang kalatas, higit ang matagalang epekto sa buhay at kabuhayan.
Sa papel na pinaiikot, malinaw na ‘di pinaguusisa sa tao sa laylayan ang laman ng dokumentong nilagdaan dahil ‘di nakalilang. At sa paglagda, kasamang mawawala ang kabuhayan sa kinabukasan dahil nalilo ng madaliang pangangailangan. At ito ang dahilan bakit o tila kampante ang mga taong ibig na mabago ang saligang batas. Ito ang galawang una ang sarili at ‘di ang bayan. Sa totoo pa rin, walang nakikitang balakid ang nagsusulong dahil kapit sa patalim ang maraming katulad ni Aling Marya. Ngunit huwag magpakampante dahil walang perpektong galaw higit sa larangan ng pulitika sa bansa. Mayroon at mayroong tatayo upang ipaalam sa nakararami ang galawang pansarili bago ang bayan.
Sa mga nakalipas na araw, naglabas ang ilang grupong mulat sa katotohanan at isiniwalat ang galawan bangit, may abutang nagaganap. Sa paglalahad ng grupong mulat, isang bayan sa Luzon ang nakakalap ng higit 17K lagda at ito’y pasimula pa lamang. Sa paglagda, nariyan ang palitan ng halagang napag-usapan at tapos ang transaksyon. Walang hanapan ng dokumentong pagpapatibay ngunit natitiyak na tunay ang lagda sa tamang halaga. Sa totoo lang, mas inaalam ng lumagda kung makapasok sa programa ng ayuda na karaniwang ginagawa para ‘di makalimutan ang kinatawang bayan. Ayon kay Marites, madalian ang operasyon at tila ibig matapos ng makarami.
Sa social media, napapadalas ang paglabas ni Haring Syoke na ipinaliwanag kung ano ang usapin ng pag-amyenda sa saligang batas, Nariyan na bangit na ang pag-amyenda sa saligang batas ay proyekto ng kamara na ibig mapalawig ang termino at pagkapit sa pwestong tangan. At tila ipinapakita o binabangit na may mga taong ibig magtagal sa kinauupuan na nasasarapan dahil nakukuha ang nais ng walang hirap. Ang pagkamal ng salapi, maging ang paggastos sa mga bagay na palamuti ang dahilan ng ibig sa pag-amyenda ng saligang batas. Tila bumabalik sa dating gawi na namunini ang lahi sa yaman ng bayan sa tagal na pagkakaupo sa pwestong binalahura. Sa paglalahad ni Haring Syoke, nariyan ang laman na may patuya sa kung sino na tila dagok sa mga taong nasa pwesto na ibig magpalawig sa tungkulin sa kasalukuyan. At tila iiwan ang pwesto na tangan ng principal.
Sa Batingaw, walang personalidad sa paglalahad ng katotohanang impormasyon para sa kagalingan ng mamamayan. Ang pagtutol sa maling gawa’y tunay na tungkulin ng bawat mamamayan ng bansa. Kasehodang kabilang ka sa ibang grupo, ang mahalaga’y magising ang tao sa laylayan sa maling pagnanais ng tao nasa kapangyarihan. Hindi dapat ipagwalang bahala ang nakaraan higit sa kasaysayan na ang tao nasa puno ng Balite sa Malacanan ay iba kung mag-isip higit ito’y nasarapan sa pwestong tangan. Ang paggiri sa pananatili sa pwestong tangan ang simula kagahaman sa pera ng bayan. Ang walang kwentang programa ng Maharlika Investment Corp., ang malinaw na pagnanais na una ang sarili bago ang bayan.
Sa mga makabayan ‘di lang sa Kongreso, maging sa mga tao sa laylayan, huwag pumikit sa nagaganap bayarang People’s Initiative kuno upang baguhin ang saligang batas sa ngalan ng Bayan Muna bago ang sarili. Ang pagbabalik ng kasaysayan ng pagmamalabis ang dapat tutulan maging sino ang tamaan. Ang pag-ibig sa bayan ang unahin at ‘di ang pakinabang na pansarili. Kung tumayo ang marami sa dahas ng nakaraan huwag isuko ang kamulatan kapalit ng mabungang kinabukasan. Ang pag-ibig sa bayan ang unahin at huwag magpalilo sa pansamantalang pakinabang. Ang kagalingan ng tao sa laylayan ang unahin, ang maibaba ang presyo ng lahat ng pangangailangan sa araw-araw ni Aling Marya ang pagbabagong dapat at kailangan. Huwag unahin ang kagalingang pansarili dahil hirap na sa buhay ang marami sa ating kababayan. Sa tao sa laylayan, tutulan ang pag-amyenda sa saligang batas, Bayan muna bago ang sarili.
Maraming Salamat po!!