Advertisers
Nagpahayag ng suporta si Senador Christopher “Bong” Go sa plano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magtatag ng isang drug treatment at rehabilitation facility sa bawat lalawigan sa Hunyo 2028.
Nakasaad sa isang ulat na plano ng gobyerno na magtayo ng community-based drug rehabilitation programs (CBDRPs) at Anti-Drug Abuse Councils (ADACs) sa bawat probinsya, lungsod, munisipalidad, at barangay.
“Nakapaggawa tayo ng 74 in-patient treatment and rehabilitation facilities to provide a path to recovery for those who want to break free from their addiction,” sabi ni President Marcos kamakailan.
Ang anunsyo ng Palasyo ay matapos iulat na humigit-kumulang P10.41 bilyong halaga ng iligal na droga ang nasamsam noong 2023 habang mahigit 27,000 barangay ang umano’y na-clear sa narcotics.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Health and Demography at vice chairperson ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, malugod na tinanggap ni Senator Go ang anunsyo at binigyang-diin ang pangangailangang ipagpatuloy at paigtingin pa ang paglaban sa iligal na droga.
Ang hakbang na ito aniya ay makabuluhan sa pagpapalakas sa bansa laban sa salot na droga.
Sa pamamagitan ng pagbibigay ng komprehensibong mga serbisyo sa rehabilitasyon sa buong bansa, sinabi ni Go na hindi lamang tinutulungan ang mga indibidwal na makabangon mula sa droga, bagkus ay tinitiyak din ang kanilang matagumpay na pagbalik sa lipunan.
Matatandaang una nang inihain ni Go ang Senate Bill No. 428 na nagmumungkahi ng paglikha ng Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa bawat lalawigan sa buong bansa.
Hindi lamang pasilidad sa paggamot para sa drug dependents, ang mga rehab center ay magsisilbing support hub na nag-aalok ng after-care, follow-up services, at social reintegration programs.
Layunin nitong tulungan na makarekober ang drug dependents at tiyakin ang kanilang makabalik sa lipunan.
“Kapag na-contain mo ‘yung illegal drugs, kasama na diyan ‘yung criminality at ‘yung korapsyon. ‘Pag lumala ‘yung drugs, tataas ‘yung criminality, at lalala rin ‘yung korapsyon — makokorap po ‘yung tao,” idiniin ni Go.
Binigyang-diin ng senador na mahalaga ang papel ng mga anti-drug personnel sa paglaban sa kriminalidad at kalakalan ng iligal na droga kaya inihain niya ang Senate Bill No. 419 o ang Magna Carta para sa mga opisyal at tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa kaugnay na pagsisikap, inihain din ni Go ang Senate Bill No. 2115, na layong i-institutionalize ang technical-vocational education and training programs para sa rehabilitated drug dependents.
Layon nitong pahusayin ang kakayahan ng mga dating gumagamit ng droga at bigyan sila ng kasanayan para sa isang mas maliwanag na kinabukasan.