“Traslacion, malaking tagumpay” – Mayor Honey
Advertisers
MALAKING tagumpay!
Ganito inilarawan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang pagdaraos ng15-oras na ‘Traslacion’ na siyang highlight ng selebrasyon ng Pista ng Itim na Nazareno noong January 9, 2024.
Nagpahayag Ng kasiyahan ang lady mayor dahil ang kabuuan ng pagdiriwang ay matagumpay, lalo na’t ang Traslacion ay itinigil sa loob ng tatlong taon dahil sa pandemya.
Pinasalamatan ni Lacuna ang lahat ng tumulong upang maging matagumpay ang Traslacion, lalong-lalo na ang mga concerned government offices mapa-national man o local, ang Quiapo Church authorities at maging ang mga deboto mismo, na halos lahat ay naging maayos ang kilos.
Pinuri at pinasalamatan nya rin ang mga volunteers na tumulong sa pagbibigay ng tulong medical sa mga nagtamo ng injuries.
Ayon sa alkalde kapuna-puna na ang Traslacion ngayon ang siyang pinakamaiksi sa nga nakalipas na taon sa kabila na ito ay tatlong taon na huminto.
Ang pinakamaiksing naitalang oras ng Traslacion ay noong 2007 kung saan inabot lamang ito ng siyam na oras habang ang pinakamatagal ay naganap noong 2017 at 2018 kung saan inabot ito ng 22 – oras.
“Nakakalungkot lamang po na ang karamihan sa nasugatan ay yaong mga nagpumilit pa ring umakyat ng andas sa kabila ng paulit-ulit na pagbabawal ng Simbahan,” sabi ng alkalde.
Umaasa naman si Lacuna na sa susunod na ‘Traslacion,’ ang lahat ng deboto ay pakikinggan at susundin ang payo ng simbahan para sa kanilang kaligtasan. (ANDI GARCIA)