Advertisers
WALANG inirekomendang suspensiyon ng klase at trabaho ang gobyerno sa mga lokal na pamahalaan para sa nakatakdang rali o protesta ng grupong Manibela at Piston ngayong Martes, Enero 16.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes na kagaya ng mga nagdaang deklarasyon ng tigil-pasada ng ilang grupo, hindi sila nagrekomenda ng suspensiyon ng pasok.
Aniya, handa silang magpalabas ng augmentation vehicles o libreng sakay kung kakailanganin.
Kasabay nito, ibinabala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na huhulihin ang mga jeepney driver na bigong makapag-consolidate sa ilalim ng PUV modernization program na bibiyahe pa rin simula sa Pebrero 1.
Ayon kay LTFRB chairman Teofilo Guadiz III, katuwang ang Land Transportation Office (LTO) at MMDA, magkakasa sila ng random check sa mga jeepney upang tingnan ang kanilang mga papeles.
Maliban dito, mag-i-issue rin sila ng stickers para sa consolidated jeepneys.
Kaya mahalaga aniya na dalhin ng mga tsuper ang kanilang registration at application para sa consolidation bilang patunay na rehistrado na sila at hindi maituturing na kolorum.
Nabatid na ang mga lalabag ay pagmumultahin at maaari pang ma-impound ang sasakyan o yunit. (Gilbert Perdez)