Advertisers
ANUMANG pagbabago ang nais gawin upang mapabuti ang kalagayan ng mga taong pinagkaitan ng kalayaan sa New Bilibid Prison ay mayroon pa ring tiwaling tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang umano’y lihim na nagpapalusot ng iligal na kontrabando sa tulong ng isang ‘consultant’ kaya’t bumalik na naman ang baluktot na kalakaran sa naturang piitan.
Lingid sa kaalaman ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr., ilang persons deprived of liberty o PDLs ang nagrereklamo ngayon dahil hindi daw nakararating sa kanila ang mga padala na ‘cash less transaction’ ng kanilang mga kamag-anak.
Ayon sa reklamo ng mga kamag-anak ng PDLs, isang nagpakilalang ‘consultant’ ng BuCor ang kalimitang binabanggit nila na naghahari-harian sa loob ng NBP na tila hindi alam ni Catapang ang ginagawang anomalya ng huli.
Sa ilang larawan na ipinadala ng isang source ay makikita na malayang nakagagalaw habang nag-iinuman ang mga bilanggo sa loob ng selda bagay na mahigpit na ipinagbabawal ang ganitong gawain. Bukod dito, may larawan din na tipak-tipak na itsura ng umano’y shabu na umano’y naipuslit sa loob ng selda.
Bukod dito, ang inirereklamong ‘consultant’ ay nauuna din daw sa pagpapatupad ng patakaran sa BuCor gayong hindi naman siya opisyal ng ahensiya kundi isang ‘tagapayo’ lang ni Catapang.
Simula nang manungkulan si DG Catapang ay nagkaroon ng tunay na pagbabago sa Bucor dahil sa maayos na pamamalakad, mga programa at hindi ‘ipinagkait’ ang ‘karapatan’ ng mga taong pinagkaitan ng kalayaan.
Ang libo-libong PDLs na pinalaya mula sa panunungkulan ni Catapang ay bumuhos ang kagalakan dahil nagkaroon pa sila ng pagkakataon na magbagong buhay sa tulong ng Department of Justice at iba pang ahensiya ng gobyerno.
Ang repormang ito na tinatahak ng Bucor ay parang bula na maglalaho kung patuloy na sisirain ng mga ‘anay’ na nakapaligid kay Catapang ang kanyang nasimulan na pagbabago. (JOJO SADIWA)