Advertisers
OPISYAL nang pinalitan ang kalihim ng Department of Finance (DoF) sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
Nito lamang ika-15 ng Enero ay pormal nang isinalin ni papaalis nang Finance Chief Benjamin Diokno ang kanyang trono kay dating Senador at kamakailan lamang ay Congressman na ngayon ay Secretary Ralph Recto.
Napabalita na naging maluwag naman ang pagtanggap ng tinatawag na Business Community kay Sec. Recto tulad ng Makati Business Club kabilang na ang mga opisyal ng mga bangko sa Pinas.
Hindi ko alam kung may agimat ang Diokno dahil kung titignan ang kasaysayan ng kanyang karera sa gobyerno ay sadyang hindi nito natatapos ang kanyang termino subalit ilang beses din nakabalik sa puwesto.
Bagaman matagal nang kilala ang Diokno sa Business Community ay unang naipamalas nito ang kanyang galing nang italaga siya ni dating Pangulong Erap bilang kalihim ng Department of Budget and Management (DBM).
Pero saglit lang ang Diokno bilang hepe ng DBM dahil ang naglagay sa kanya sa trono ay napatalsik din sa trono. Ibig sabihin, pareho silang hindi nakatapos ng termino bilang Kalihim at si Erap naman bilang Pangulo ng bansa. Layas ang Diokno.
Lumipas ang maraming taon nang muli na naman nabalik sa gobyerno ang Diokno bilang kalihim muli ng DBM sa panahon ni dating Pangulong Digong subalit hindi na naman nito natapos ang anim na taon [sana] sa trono. Layas ulit ang Diokno.
Subalit kakaiba ang nangyari sa kanya noong panahon ni Pangulong Digong dahil tinanggal man siya sa DBM pero ibinigay naman sa kanya ang trono sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
May anim na taon na termino ang pagiging Gobernador ng BSP na posible pang madugtungan ng isa pang anim na taon at saksakan pa ng taas ng suweldo dito subalit tinanggap niya ang pagiging kalihim ng DoF. Layas ulit ang Diokno.
Sa huling pagkakataon ay dito masasabi natin na tila nagkamali ang Diokno na lisanin nito ang BSP mula nang umugong na papalitan ito sa DoF na natupad lamang kamakailan sa katauhan ni Sec. Recto. Layas na naman ang Diokno. Makabalik pa kaya ang lolo Diokno?
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com