Advertisers
Para makaiwas sa abala, pinayuhan ng Philippine Ports Authority (PPA) ang mga pasahero na gamitin ang ibang ruta matapos mabawasan ang biyahe ng mga barko sa rutang Matnog, Sorsogon-Allen, Northern Samar.
Mula noong Linggo, Enero 14 hanggang nitong Martes, Enero 16, 2024 nabawasan ang biyahe ng mga barko sa naturang ruta dahil sa sama ng panahon dala ng hanging amihan.
Nakapagtala lamang ng 25 biyahe kada araw mula sa normal na 30 na biyahe kung walang sama ng panahon ang 13 Roll-on Roll-off (RoRo) vessel sa nasabing ruta.
Nagdulot ito ng pagsisikip sa pantalan at pila ng mga sasakyan na umabot na sa nasa 180 unit ng truck.
Ayon sa PPA, maaaring gamitin ang ibang ruta gaya ng Pio Duran, Albay-Masbate City; Pilar, Sorsogon-Masbate City; Pilar, Sorsogon-Mobo Port, Masbate; Masbate City-Cebu; Mobo Port, Masbate-Cebu; Mintac Port, Cataingan, Masbate-Polambato Port, Bogo, Cebu; Mintac Port, Cataingan at Masbate-Cebu.
Samantala, kanselado ang mga pampasaherong barko na may 250 GRT pababa sa Bicol na may rutang Baseport Legazpi patungong Rapu-Rapu, Albay (vice-versa) nitong Miyerkoles, Enero 17 dahil sa gale warning advisory ng PAGASA.
Suspendido rin ang biyahe ng pampasaherong Supercat St. Sariel/St. Sealthiel/St. Braquiel na may rutang mula Ormoc patungong Cebu ngayong araw, dulot ng malalakas na alon.
Sa Davao naman, nagpatupad ng work-from-home arrangement ang lokal na pamahalaan kasunod ng general flood advisory ng PAGASA.
Gayunman magpapatuloy ang serbisyo ng mga frontline personnel upang hindi maantala ang serbisyo sa publiko. Wala namang inanunsyo ng pagkansela ng biyahe.
Muling pinaalalahanan ng PPA ang mga biyahero na makipag-ugnayan sa kanilang mga shipping line para sa karagdagang detalye ng kanilang biyahe.