Advertisers
Personal na dumalo si Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health and demography, sa turnover ceremony ng Super Health Center sa Barangay Los Amigos, Tugbok District, Davao City noong Martes.
“Ngayong araw na ito ready for operation na po itong Super Health Center dito sa Los Amigos. Mapakikinabangan po ito ng mga kababayan natin. Hindi na nila kailangan magbiyahe pa ng downtown, dito na po sila magpapa-checkup, dito na po ang primary care na under sa Universal Health Care (Law). Dito na po yung Konsulta ng PhilHealth package at early disease detection,” paliwanag ni Go matapos ang nasabing event.
Idinagdag ni Go na ang pagbubukas ng SHC ay makabuluhang hakbang sa pangangalagang pangkalusugan para sa mga residente ng Davao City, dahil nakahanda itong magbigay ng mga serbisyo sa pangunahing pangangalaga sa komunidad.
Ang pagtatatag ng Super Health Center ay isang estratehikong hakbang upang maalis ang pagsisikip sa mga ospital sa rehiyon. Binanggit ni Go na sa mga nakalipas na taon, naging hamon sa mga ospital sa Davao City ang pag-accommodate ng dumaraming bilang ng pasyente.
Kaya ang bagong pasilidad na ito ay inaasahang magpapagaan sa nasabing isyu o sa load ng pasyente sa mga ospital.
Pero ang isa sa pinakatampok ng Super Health Center ay ang pagtutok sa accessibility. Matatagpuan sa Barangay Los Amigos, ang bagong SHC ay madaling puntahan ng mga nasasakupan ng Davao City, partikular na ang mga residenteng kilometro ang layo mula sa sentro ng lungsod.
Binanggit ni Go na ang proyektong ito ay bahagi ng pinalawak na inisyatiba upang palakasin ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa bansa, lalo sa mga lugar na walang sapat na medical facility.
“Ilapit natin ang serbisyo ng gobyerno sa kanila lalo na pagdating sa kalusugan. Karapatan ng bawat isa na makakuha ng serbisyong medikal mula sa gobyerno para mapangalagaan ang kanilang buhay,” idiniin ni Go.
Sinabi ni Go na nakita naman kung gaano kalaki ang naitutulong ng Super Health Centers sa komunidad, lalo sa rural areas.
“‘Yun po ang layunin ng Super Health Centers, ang mailapit sa mamamayan ang serbisyong medikal ng gobyerno,” ayon sa senador.