Advertisers
UMAKYAT na sa 13 katao ang nasawi sa magkakahiwalay na insidente ng pagguho ng lupa sa Davao Region dulot ng malakas na pag-ulan.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Region 11 Director Ednar Dayanghirang nitong Linggo, 10 ang namatay sa Barangay Mt. Diwata sa Monkayo, Davao de Oro; 2 sa Davao City; at isa sa Maragusan.
“Sa casualties, 13 ang patay, 6 ang injured, at meron isa pang missing… Ang nawawala ay sa Mt. Diwata pa rin,” aniya.
Nasa 490,000 indibidwal o 111,000 pamilya sa 297 barangay ang naapektuhan ng pagbaha sa buong Davao Region, ayon kay Dayanghirang.
Sinabi rin niyang bumuti na ang panahon sa mga lalawigan ng Davao at humupa na ang baha.
Gayunman, umabot na sa P57 milyon ang pinsala sa agrikultura, habang 40 bahay ang nasira ng baha at pagguho ng lupa.
“Mayroon pang mga tao na nasa evacuation center ngunit konti na lang,” ani pa ni Dayanghirang.
Samantala nagdeklara na ng state of calamity ang lalawigan ng Davao del Norte at limang iba pang munisipalidad.
Hindi naman bababa sa P25 milyong halaga ng tulong ang naibigay din sa mga apektadong residente.