Advertisers

Advertisers

MINI-CASINO CON DRUG DEN SA POZORRUBIO, PANGASINAN!

0 1,081

Advertisers

ANG Pozorrubio ay bayan sa Pangasinan na kung tawagin ngayon ay “problem municipality” kapag droga ang pag-uusapan dahil transit point ito ng drug delivery kaya hindi nakapagtatakang talamak ang bentahan ng shabu na mga kilalang pergalan (perya na pulos sugalan) operator pa ang mga mismong financier ng kalakalan ng droga.

Ang daloy ng droga sa naturang bayan ay nabawasan kundi man ganap na nahinto dahil sa higpit ng kampanya ni ex-President Digong Duterte ng kontrobersyal nitong “war on drugs”.



Ngayo’y laganap na naman ang salot na droga sa lahat halos na 34 na barangay ng Pozorrubio sanhi ng ibat ibang pakulo ng mga drug pusher tulad ng pagpapatakbo ng pergalan na siyang front ng bentahan ng droga.

Isa sa matagumpay na prente ng bentahan ng droga ay ang mga itinayong ibat ibang uri ng kunyari ay tradisyunal na peryahan na hindi lamang mga “rides” na ferris wheel ang itinatampok kundi maging ang lantarang pasugal na color game, drop ball, beto-beto, cara y cruz (tao-ibon) at mga labag sa batas na card at table games.

Aakalaing legal talaga ang operasyon ng isang pergalan na matatagpuan sa pusod ng bayan ng Pozorrubio, Pangasinan pagkat kinukunsinti ito ng kapulisan at maging ng local government unit (LGU).

Nakapwesto ang pergalan sa malawak na bakanteng lote sa tabi lamang ng Pozorrubio Central High School at McDonald. Kahit na maugong ang balita sa naturang pergalan na sentro ng drug trafficking ay nakapagtatakang tila walang alam at bulag sina Mayor Kelvin Chan at Pozorrubio Police Chief Major Jordan Tomas.

Bulag din kaya sa mga kaganapang ito ang pamunuan ng Department of Education sa Pozzurrubio o talagang wala silang malasakit sa mga mag-aaral na nalululong na sa bisyong pagsusugal at paggamit ng shabu? Huwag sana nilang tularan sina Mayor Chan at Major Tomas?



Kailangan pa kayang ipaunawa kina newly appointed Region 1 PNP Director BGen. Lou Evangelista at ang over-staying nang Pangasinan Provincial Director Col. Jeff Fanged na ang nasabing pergalan ay may 50 metro lamang ang layo sa opisina ni Mayor Chan at Major Tomas?

Bilang Provincial Director na siyang pinaka-mataas na police official sa Pangasinan na nabigyan ng pagkakataon na pamunuan ang naturang lalawigan, ay pananagutan ni Col. Fanged ang hindi pagkilos ng kanyang mga subordinate hindi lamang sa Pozorrubio kundi sa buong probinsya. Kailangan bantay-sarado ito sa kanyang mga opisyales at kagawad ng kapulisan na bumabaluktot sa batas? Dapat ipahuli ang mga lumalabag sa batas na mga operator ng pergalan con shabuhan sa bayan ng Pozorrubio.

Dahil hindi ginagawa ni Col. Fanged ang kanyang mandato bilang hepe ng kapulisan sa lalawigan ng Pangasinan, maaaring papanagutin naman ni PNP Chief Benjamin Acorda Jr. si PBGen. Evangelista sa kabiguan nitong pamunuan ng maayos ang PRO 1 dahil hindi nasusubaybayan ang pinaggagawa ni Col. Fanged sa Pangasinan lalo na sa bayan ng Pozorrubio.

OPISYALES PASOK SA MINI-CASINO NI GLENDA SA MALVAR TOWN AT LIPA CITY?
SA mga “untouchable” na sugalan ay kinikilalang pinaka-notoryus sa Region 4-A CALABARZON ang mini-casino ng isang alyas Glenda sa Brgy. Santiago bayan ni Malvar Mayor Cristeta Reyes at Brgy. Pinagtong-olan sa hurisdiksyon ni Lipa City Mayor Eric Africa.

Pinag-ugatan na ang operasyon ng mga permanente o puesto pijo na mga pasugalang ito sa bayan ng Malvar at Lipa City kung saan meron na ding bentahan ng shabu at ginagawa pang “bugawan” ng mga menor de edad na prostitute ngunit hindi naman inaaksyunan ng mga hepe ng kapulisan at alkalde ng naturang bayan at siyudad?

Ipinagyayabang ni alyas Glenda na malaki daw ang inihahatid nitong weekly payola sa ilang mataas na opisyales ng Malvar Municipal at Lipa City Government gayundin sa ilang mga police official ng naturang lungsod at bayan.

Sino kaya naman ang tumatanggap ng libu-libong payola ni alyas Glenda sa mga nabanggit na opisina? May alam kaya dito si Batangas PNP Director Col. Samson Belmonte?

Maaaring pasok sina Malvar Mayor Reyes, Lipa City Mayor Africa, Police Chief LtCol. Rix Villareal at Capt. Nemecio Calipjo Jr. kung pupursigihin nina DILG Sec. Benhur Abalos at PNP Chief Benjamin Acorda Jr. ang pagsasampa ng mga kasong kriminal at administratibo laban sa mga nabanggit na personalidad?

***

Para sa komento: Cp. No. 09664066144