Advertisers
TATLONG local airlines na nag-ooperate sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals ang humihingi ng tulong sa PNP-Aviation Security Group , Manila International Airport Authority at Civil Aviation Authority of the Philippines kung paano wawakasan ang publiko lalo na ang mga air travelers mula sa pagpapatawa sa ‘bomb joke’.
Sinabi nina Cielo Villaluna, spokesperson ng Philippine Airlines, Carmina Romero, tagapagsalita ng Cebu Pacific at Steve Dailisan ng Air Asia Philippines, ang mga airline ay higit na naapektuhan dahil ang lahat ng mga pasahero sa eroplano ay hihilingin na bumaba kasama ang check-in luggage para sa intensive paneling mula sa mga bomb sniffing dog habang ang mga pasahero ay sasailalim sa body search.
Anila, mula nang malaman ng cabin crew ang isang ‘bomb joke’ ay agad nilang aabisuhan ang pilot-in-command at ipararating ang banta sa PNP-AvSeGroup kung saan ay uutusan nila ang piloto na ilagay ang eroplano sa remote parking at hihilingin din sa mga pasahero na bumaba gamit ang kanilang hand-carry at ang kanilang check-in baggage ay ilalabas din sa sasakyang panghimpapawid para sa masusing inspeksyon.
Aabutin ng dalawa hanggang tatlong oras ang inspeksyon bago magbigay ng pahintulot ang pulisya na ipagpatuloy ang paglipad kung wala silang nakitang seryosong banta subalit nagkaroon na umano ito ng ‘domino effect’ sa kanilang flight schedules o naapektuhan.
Sa kabila nito, inihayag ni PNP-AVSEGROUP investigation Chief Col. Gary Reyes na ang “bomb jokes o bomb threat” sa ilalim ng Presidential Decree 1727 ay may parusang pagkakakulong ng hanggang limang (5) taon o multang hanggang P40,000 o pareho.
Tinutukoy ng mga batas na ito ang malubhang kahihinatnan ng paggawa ng mga maling pagbabanta ng bomba o pagsali sa mga aktibidad na nakagagambala sa mga operasyon at seguridad sa paliparan.
Natukoy ang banta sa mga anyo ng nakasulat, sa pamamagitan ng pagsubok o kahit sa pamamagitan ng hindi kilalang tawag. Ang mga pagbabanta ng bomba ay mapaparusahan din sa ilalim ng Anti-Terrorism Act of 2020 (Republic Act 11479) na may parusang 12 taong pagkakakulong.
Noong Agosto 18, 2023, inaresto ng PNP-AVSEGROUP at Airport Police ang dalawang international departinh passengers sa Terminal 1 at 3 matapos silang matukoy na nagpadala ng umano’y bomb threat sa pamamagitan ng text messaging sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) hotline na labag sa PD 1727.
Nasundan na naman ang ‘bomb scare’ na ginawa sa Bicol International Airport (BIA) noong October 2,2023 kung saan nakakita ang cabin crew ng Cebu Pacific ng isang note sa isang pirasong papel na may nakasulat na ‘bomba’ sa nakalagay sa lavatory tissue compartment dahilan upang magdulot ng tensyon sa seguridad ng paliparan kung saan nakaapekto sa 10 flights ng CEB airline.
Bilang isang hakbang sa pag-iingat ay iniutos ng CAAP ang runway sa BIA na pansamantalang isara sa lahat ng mga flight hanggang sa malutas ang sitwasyon alinsunod sa security protocols. (JOJO SADIWA/JERRY TAN )