Advertisers
Ni NICK NANGIT
SA darating na Chinese New Year, ano ang hamon sa larangan ng aliwan, kasama ang showbiz?
Pagpapaunlad ng kalinangan.
Bakit natin nasabi yun?
Nakadikit kasi sa Taon ng Berdeng Kahoy na Dragon ang sining at kultura. Ibig sabihin, uunlad lalo ang kakayahan ng mga nasasaklawan nito.
May pagmamahal kasi sa aliwan ang Dragon. Mataas ang hangarin nito sa mga bagay bagay na may kinalaman sa mas pinong bahagi ng ating buhay.
Nandiyan ang pagtatanghal at pag-arte. Nandiyan din ang musika at teknolohiya. Kahit anong bagay na may kinalaman sa mga matataas na adhikain, gustung gusto yan ng Dragon. Kaya’t pasok na pasok ang pelikula.
Pero, hindi basta kung ano na lang tema ang maisipan ng manunulat ang ipalalabas. Dapat ay yung may kabuluhan at malalim na kaugnayan sa sariling atin.
Ganun kasi ang Dragon. Gusto niya naiiba siya. Sikat. Pero, hindi mayabang. Gusto niya iangat ang panlasa ng mga manonood ng pelikula at makikinig ng tugtog patungo sa matataas na antas ng pinapahalagahan natin sa buhay, gaya ng pag-asa, tiwala, at pagkahabag sa kapwa.
Hindi kasama sa minimithi ng Dragon ang pagtuligsa sa pamunuan, gaano man ito kasama. Yan ay mababang antas lamang. Mas nakatuon kasi ang pansin nito sa mga pagbabagong may taglay na kagandahan at magpapaginhawa ng kalooban.
Ibig sabihin, kung ito ang sisimulan at gagawin hanggang katapusan ng mga taga industriya ng showbiz, mas makikilala tayo sa ibang bansa.
Kadalasan kasi ang tema ng mga palabas ay mababaw. Puro kalibugan at paulit-ulit na pagwasak ng mga matitinong relasyon. Ika nga, mas binibigyang pansin ang pagsira, hindi ang paglikha.
Wala tuloy tayong napapala na hindi pa natin alam. Lahat ay basura na bibigyan ng bagong kulay, pero basura pa rin. Bihirang bihira ang tumatalakay sa mga kakaibang istorya na magpapagaan sa ating damdamin.
Kagaya sa kasalukuyang Oscars, sinong mag aakala na ang pelikulang animated na Elemental ay makakasama sa mga nominadong Best Film? Pero, kung pinanood mo ito sa Netflix, malalim ang kuwento at may saysay na magpapangiti sa iyong mga labi. Hindi iyakan na sobra sobra, hindi rin puro awit o sayaw na walang katuturan.
Sana ay magsilbing leksyon ito sa mga prodyuser, direktor, at scriptwriter na ayusin na nila ang kanilang paglikha. Tuunang pansin ang sariling atin. Alisin ang ilaw sa puro mukha at katawan ng artista. Ibaling ito sa galing at paglalahad ng kuwento. Mayaman tayo sa karanasan na maipagmamalaki natin sa buong mundo, dahil lahat ng lahi ay makakaunawa nito.
Yun na muna.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Chinese New Year na magsisimula sa ika-10 ng Pebrero 2024, panoorin ang vlogs ng Nickstradamus Nickstradamus channel sa YouTube. Mag Subscribe na rin at iShare sa lahat. Hanggang sa muli, Light Love and Life sa lahat, lalo na kay R. Namaste!