Advertisers

Advertisers

MGA ABUSADO, WALANG PUWANG KAY MIAA GM INES

0 15

Advertisers

Kapuri-puri ang mabilis na pag-aksyon ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Eric Ines nang agad nitong suspindihin ang dalawang miyembro ng Airport Police Department (APD) na nasita ng mga taga- Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) personnel matapos pasukin ang EDSA Bus Carousel Lane nito lamang January 21, 2024, araw ng Linggo.

Maliwanag naman kasi sa regulasyong itinakda ng MMDA na ang maari lamang gumamit ng EDSA busway ay ang Presidente, Vice President, Senate President, Speaker of the House of Representatives at Chief Justice, pati na rin mga public passenger buses, ambulances at marked government vehicles na rumeresponde sa emergency.

Nang makarating sa kanya ang pangyayari ay hindi nagdalawang-isip si GM Ines at agad na naglabas ng suspension order laban sa dalawang APD na sangkot sa pangyayari, na sina APO2 Raymond Anuran at APO1 Michael Lilis.



Sa kasalukuyan ay gumugulong na ang imbestigasyon dahil inatasan din ni GM Ines si Retired BGen. Manny Gonzales, Assistant General Manger for Security and Emergency Services ng MIAA, para personal na magsagawa ng malalimang imbestigasyon ukol sa isyu.

Ayon sa report ng MMDA, sinita nila ang APD vehicle na pumasok sa EDSA Busway.

Tumanggi umano ang APD member na nagmamaneho ng marked vehicle na ibigay ang kanyang driver’s license nang ni-request ito ng mga MMDA enforcer na sumita sa kanila. Ayun. Nagkaroon na ng sagutan sa magkabilang panig na parehong nagvi-video ng isa’t -isa.

Ayon kay Ines, nakakahiya at dapat na mahinto kaagad ang ganitong uri ng pag-uugali na aniya ay isang uri ng pag-abuso.

Hindi umano pupuwedeng pabayaan lamang ang ganitong uri ng pag-abuso sa panig ng mga taga-APD.



Ang mas nakakahiya pa ay nang makita sa video na may gana pa ang dalawang taga-APD na makipagtalo sa MMDA gayung paulit-ulit na lang sa mga balita ang ukol sa mga nahuhuling pumapasok sa nasabing busway kahit pa bawal.

Sana ay maging aral ito sa mga taga-APD na matutunang hindi sila kasama sa mga maaring gumamit ng EDSA busway.

Higit sa lahat, tumimo sa kanilang isipan na hindi kailanman kukunsintihin ni GM Ines ang anumang uri ng pag-abuso sa kapangyarihan.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.