Advertisers

Advertisers

Giyera vs ilegal na droga sa QC, pinalalakas ni VM Sotto

0 26

Advertisers

Bagamat maikokonsiderang matagumpay ang kampanya ng Quezon City Poloice District (QCPD) na pinamumunuan ni Police Brig. Gen. Redrico Maranan laban sa illegal na droga sa lungsod base sa bilang ng mga naaarestong pinaghihinalaang tulak na nakokumpiskahan ng daan-daang libong halaga ng shabu at pinatuyong dahon ng marijuana, lalo pang pinalalakas ni QC Vice Mayor Gian Sotto ang giyera laban sa droga sa lungsod.

Pursigido rin kasi ang Bise Alkalde kasama ang bumubuo ng lokal na pamahalaang sa pangunguna ni Mayor Joy Belmonte na maging isang ganap na drug-free ang lungsod para sa katahimikan at kaayusan ng lungsod – para sa kapakanan naman ng QCitizens.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng nakararami ang masamang dulot ng illegal na droga sa isang pamayanan.



Upang makamtan ang pangarap na drug-free Quezon City, lalo pang pinalalakas ni Sotto na siya ring namumuno sa Quezon City Anti Drug Abuse Advisory Council ang giyera laban sa ilegal na droga.

Isa sa hakbangin ni Sotto para lalo pang mapalakas ang kampanya ay ang palakasin din ang kakayahan ng mga barangay sa paglaban sa ilegal na droga. Naniniwala si Sotto na sa tulong ng mga barangay, mabilis na masugpo ang pagkalat ng droga sa bawat sulok ng lungsod.

Higit kasi na mas nakikilala ng mga taga-barangay kung sino-sino ang mga tulak o sangkot sa droga sa kani-kanilang barangay. Alam nila ang bawat ikinikilos ng mga pinaghihinalaan sa kanilang lugar – sila man ay tulak, holdapaer o kung ano man. Nararapat nang tuldukin ang kanilang katarantaduhan.

Isasabak ni Sotto sa mga pagsasanay ang mga barangay official upang mabigyang gabay, lalo na ang mga bagong myembro ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) upang sa gayun ay maging possible ang target na drug-free QC.

Katunayan, huling nagsagawa ang Quezon City -ADAAC ng Strengthening Institution Capacities of Barangay Anti-Drug Abuse Council (SICAP-BADAC) training sa QCX Museum para sa mga barangay mula sa District 2, 5, at 6…at inaasahang ito ay madaragdagan.



Sa pagsasanay, kabilang sa mga nagbigay ng kanilang kaalaman at naghandog ng presentasyon ay ang Department of the Interior and Local Government (DILG); Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), QCPD at USAID Renew Health Project.

Nagbebenta ng “damo” sa QC, ‘di umubra sa DEU

Tulad ng naunang nabanggit na matagumpay ang giyera ng QCPD laban sa ilegal na droga bilang suporta sa pangharap na drug – free QC, puspusan pa rin ang pulisya sa panghuhuli ng mga responsable sa pagkakalat ng droga sa lungsod.

Nitong nakaraang Biyernes, Enero 26, 2024, isa na naman pinaghihinalaaang responsable sa pagkakalat o pagbebenta ng pinatuyong dahon na marijuana ang nadakip ng QCPD – District Drug Enforcement Unit (DDEU) na pinamumunuan ni P/Maj. Wennie Ann Cale. Nadakip ng mga tauhan ni Cale si Alexander Dumagas, residente ng Payatas B, Quezon City sa West Ave., Brgy. Paltok, QC.

Natuldukan ang ilegal na operasyon ni Dumagas makaraang bentahan niya ng pinatuyong dahon ng marijuana ang isang pulis na nagpanggap na buyer. Siya ay nadakip naman sa tulong ng isang concerned resident mula sa Barangay Paltok.Nagpasiyang ipaalam sa pulisya ng residente ang ilegal na aktibidades ni Dumagas para mailigtas na tiyak na kapamahakan ang mga Kabataang unti-unting nalululong sa droga.

Nakumpiska naman ng grupo ni Cale sa lalaking responsableng sa pagkakalat ng “damo” sa Barangay Paltok ay dalawang kilong pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalagang P240,000, cellphone na gamit sa transaksyon at buy-bust money.

Ang suspek ay kakasuhan ng paglabag sa R.A. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon kay Cale, ang operasyon ay bunsod din ng direktiba ni Maranan kaugnay pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga sa lungsod na ipinagkatiwala sa kanya.