Advertisers

Advertisers

HINDI KA ANAK NG DIYOS

0 7

Advertisers

TAGILID ang kalagayan ni Apollo Quiboloy na mas kilala sa abreyaturang PACQ. Ang bansag sa sarili ay “appointed son of God.”Pero mula ngayon ang bansag ko sa kanya ay “disappointed son-of-a-gun.” Matapos ang isang mahabang sesyon sa Senado, naisiwalat na hinalay niya ang ilan sa mga kasapi sa kanyang kulto. Pinatotoo ito ng ilan sa mga biktima. Maliwanag na ginamit niya ang kanyang pagiging lider ng kulto upang masagawa niya ang panghahalay. Dahil sa ginawa niya maliwanag na may kasalanan siya.

Bilang ama, hindi ko maiwasan na mapaluha nang marinig ko ang sinumpaang salaysay ng mga biktima ni Quiboloy. Patawarin niyo po ako kung sasabihin kona nais kong balatan siya ng buhay kahit sa pag-iisip lang. Sapagkat si Quiboloy ay isang taong masahol pa sa demonyo. Ang pagsisiwalat ng ginagawa niya sa loob ng kanyang kulto ay isang patunay na naglipana ang kasamaan at kahayukan sa balatkayo ng pagiging banal. Kay disappointed son-of-a-gun heto lang ang masasabi ko: HINDI KA ANAK NG DIYOS kundi anak ka ng diablo.

Sa huli, mananagot ka kung hindi man sa Batas, kay Poong Kabunian. Ang lahat ay may hangganan, lalo na ang kasamaan. Ang pinakamainit, at malalim na bahagi ng impiyerno ay nakalaan sa mga katulad mong kinakasangkapan sa relihiyon upang maghasik ng kahayupan mo. Pero bago pa man, sa oblo ang abreyatura mong PACQ ay magiging totoo, dahil sa oblo iyan ang gagawin sa iyo.



***

HINDI maganda ang kalagayan ng Mababa at Mataas na kapulungan dahil may nagbabadyang “constitutional crisis”. Nagsimula ito sa pagnanais ng mga nasa Mababang Kapulungan na baguhin ang Saligang Batas. Heto na naman sila. Sabi nga ni Albert Einstein na kapag paulit-ulit mong ginagawa ang isang bagay dahil gusto mo magkaroon ito ibang resulta, tanda ito ng kabaliwan. Heto lang: Bakit ko ipagkakatiwala ang pagbabago ng Saligang Batas sa mga pulitikong nagnanais na palawigin ang kanilang pansariling interes?

Hindi man perpekto ang Saligang Batas, ito ay may mga probisyon na pinangangalagaan ang kapakanan ng taumbayan sa abuso mula sa mga katulad ng ating magigiting na mambabatas. Himayin muli natin: ang pag amyenda ay iba sa pag-rebisa. Hindi ito maliwanag sa karamihan ng mamamayan. Heto na lang ang simpleng tanong ng inyong abang-lingkod: Kapag pumayag tayo na baguhin ang Saligang Batas, ano ang pipigil sa mga mambubutas na baguhin ang sistema ng pamahalaan?

Para tayo binebentahan ng pitak ng lupa na walang tingin-tingin, o kaya isang sasakyan base sa litrato sa isang magasin. Paalala: Hindi man perpekto ang Saligang-Batas, ito ay maayos na gumagana. ‘Eka nga sa Ingles, “if it is not broken, do not fix it”. NO TO CHACHA.

***



Mga Harbat Sa Lambat: “Why the need for air-drops to resupply the Sierra Madre? THAT IS OUR TERRITORY! The Phil.Navy should use 3 or 4 ships plus our coast guard ships as escorts! Challenge them!…” – Bob Magoo, rockjock, netisen, kritiko

“Anyare sa UNITY?
Bakit labo labo na ini?
More popcorn please…” -Xander Bondoc

“Oras” yan ang pinakamahalaga at importanteng bagay na maibibigay mo sa isang Tao…” -Sheryl Suarez, netisen, kritiko

“Ok lang naman manood ka ng concert…

Yung paggamit mo ng chopper ang off… Sayang kasi yung opportunity na makita and ma-experience mo first hand yung problema sa traffic…” -Anna Margarita Villena, netisen, kritiko

“Bato dela Rosa. You can run as fast as you can if you are worried that ICC will drag you by the neck…. But You can’t hide…

Ninernerbyos kana huh?

Huwag kang mag-alala, bago dumating ang ICC aatakihin ka na sa puso…” -Rudy Alejandro, netisen, kritiko

“Ibinigay ng Diyos ang guidelines sa pagpili,pero sino pa rin ang pinili? Si o ngayon ang baliw? -Fr. Egay Doroteo, pari ng basilica minore at pambansang dambana ng Hesus Nasareno, Quiapo Enero 20, 2024

“Paawitin daw ng 1000 beses ng “Bayang Magiliw” ang mga Pilipinong sang-ayon sa ICC, sabi ni Bato!…
Ano iyung “Bayang Magiliw”?…” -Hector Mison, netisen, kritiko

“Heads up BBM. After Coldplay meron pang Rod Stewart, Ed Sheeran, James Taylor. Favorite nyo rin sila di ba?…” -Dato Dumagat, netisen, kritiko
***

WikaAlamin:
BALAWIS: Salitang ginamit sa Florante at Laura. Ito ay may kahulugan na suwail, taksil, mabangis, at mabagsik. Kapag ginamit sa salita: “Mahirap pagkatiwalaan ang taong BALAWIS sapagkat padaos-daos ang kanyang kilos”.

***

JokTaym:

DALAGA: Paano kita sasagutin kung patorpe-torpe ka… Hindi ka talaga marunong manligaw…

BINATA: Paano ba?…

DALAGA: Sabihan mo ako ng sweet

words!!!…

BINATA: Asukal, lollipop, ice candy, ice

cream, cake!!!…

***

mackoyv@gmail.com