Advertisers
KINONDENA ng dalawang samahan ng mga pergalan (peryahang pulos sugalan) operator ang liderato ni Philippine National Police Chief Benjamin Acorda Jr. dahil sa kabiguan nitong disiplinahin ang kanyang mga regional, provincial commander, ganun din ang mga police chief at operating unit na abot-langit kung mangikil ng tara o protection money upang hindi guluhin ang kanilang operasyon.
Itinuro ng grupo ng mga tradisyunal na peryahan sa CALABARZON na isang alyas Richard M. ang lider ng mga “kapustahan” (police tong collector) na bagamat nakabase sa lalawigan ng Cavite ay lingguhan namang nangongolekta sa kanila (pergalan operator) ng kotong, suhol, lagay, payola o intelhencia at sa lahat na pergalan operator sa CALABARZON upang iremit ang nakolektang protection money sa ilang mga opisyal ng kapulisan na nakabase sa Camp Crame.
Walang kamalay-malay si PNP Chief Benjamin Acorda Jr. na kasama sa ipinangungubra ni Richard M. ng weekly intelhencia ang tanggapan ng PNP Chief sa pagpapakilala din nito ( Richard M.) na driver/bodyguard at bagma pa siya ni Cavite PNP Provincial Director Col. Eleuterio Ricardo Jr.?
Dahil sa laki ng halagang hinihinging lingguhang protection money sa mga pergalan operator sa limang lalawigan ng CALABARZON ay kinondena na ng Perya Industry of the Philippine Association (PIPA) at Group of Traditional Perya of the Philippines (GTPP) ang kapulisan kasabay ang panawagan na sana ay maputol na ang pangha-harass sa kanila ng mga naturang police tong kolektor.
Ang mga pwesto ng pergalan na kinokotongan ng mga “kapustahan” (police tong collector) ay sa mag-asawang alyas Boy Life at Eve na nakalatag sa dating sementeryo sa Brgy. San Juan ng bayan ni Morong Mayor Sidney Soriano at Police Chief Major Rosalino Panlaqui.
Ang ikalawang pwesto perya-sugalan ng kilala ding shabu pusher na sina alyas Boy Life at Eve ay nasa tabi lamang ng barangay hall ng Brgy. Bagumbayan, tapat ng Tita Els Restaurant sa munisipalidad ni Teresa Mayor Rodel Dela Cruz. Gayunman dedma at nganga lang dito sina Rizal PNP Provincial Director Col. Felipe Maraggun at Teresa Police Chief Major Rosalino Panlaqui.
Ang iba pang pergalan na nag-ooperate sa lalawigan ni Rizal Gov. Nini Ynarez ay ang nasa Brgy. San Lorenzo na pinatatakbo ng isang Rommel; sa SM Taytay na inooperate nina Daisy at Mario; Brgy. Muzon, pawang sa bayan ni Taytay Mayor Alan De Leon; sa bayan ng Cardona ni Jonel at permanente o puesto pijo na sugalan nina Pearly at Jose sa G Vibes Resto Bar, Rizal Avenue, Brgy. San Isidro sa bayan din ng Taytay.
“Sobra na, tama na” ang sigaw ng mga opisyales at miyembro ng nabanggit na pergalan association nang dumulog sa ilang piling mga mamamahayag at kanilang isiniwalat ang pagnanais nilang matuldukan na ang hindi na makayanang weekly tong collection sa kanila ng grupo nina alyas RICHARD M. na ultimong pangalan ni PNP Chief Benjamin Acorda Jr. ay ginagamit na panakot sa mga pergalan operator para lamang mapasuka ng libu-libong kotong.
Sa totoo lang, hindi mabubuhay ang alinmang peryahan sa pag-ooperate lamang ng rides at bingo kayat labag man sa batas ay sinuong na ng mga operator ang ilegal na pagpapasugal tulad ng color game, beto-beto, drop ball, cara y cruz (tao-ibon) at mga bawal na card at table game sa pakikipagkutsabahan naman ng ilang mga police official.
Bagama’t may nabuong sabwatan o unholy alliance na sa pagitan ng ilang mga top police official at pergalan operator ay nagkakaroon pa din ng problema dahil sa pagpapataw naman sa kanila ng mga “kapustahan” (police tong collector) ng labis-labis na kolek-tong.
“Pinapatungan po nila o nagpapa-over kotong ang mga “kapustahan” (police tong collector) higit pa sa napagkasunduang halaga at kung hindi naman kami makapagbigay sa kanilang demand ay ipinahuhuli kami sa mga kakutsaba nilang pulis”, ang pagbubunyag ng ilang mga peryantes.
Ayon sa mga pergalan operator sa Rizal na pawang nakiusap na huwag ibunyag ang kanilang mga pangalan sa takot na sila ay balikan ng mga “kapustahan” at mga protektor nitong mga pulis, ang perya noong araw ay mga rides at entertainment lamang ang itinatanghal hanggang sa araw ng kapistahan, ngunit sa pag-usad ng panahon ay dinagdagan ito ng mga color game, beto-beto at iba pang bawal sa batas na pasugal pagkat kailangan nila itong gawin upang maabot ang abot langit na halagang hinihingi sa kanila ng ilang korap na mga PNP official.
Ibinulgar ng dalawang samahan na ang kapulisan din ang nagturo sa kanila ng pagpapasugal ng color game, beto-beto, high and low, kalaskas, drop ball at iba pang uri ng sugal, hanggang nakagawian at itinuring ng industriya ang mga pasugalan sa peryahan dahil na rin sa pangungunsinte ng PNP at iba pang government law enforcing agency tulad ng National Bureau of Investigation (NBI) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Kumpara sa mga nakaraang pamunuan ng PNP, mas hayag at lantaran ang operasyon ng pergalan ngayon kayat nagpipiyesta ang ilang mga korap na pulis dahil sila ang higit na kumikita, samantalang purdoy naman ang mga pergalan operator pagkat nasimot na ang kanilang kinikita sa pasugal at nauuwi lamang sa mga police tong kolektor. May karugtong…
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144