Advertisers

Advertisers

3 dayuhang pugante naaresto ng BI agents sa unang buwan ng 2024

0 17

Advertisers

SINABI ng Bureau of Immigration (BI) na tatlong dayuhang pugante ang naaresto ng kanilang mga operatiba sa huling linggo ng Enero sa pagpapatuloy ng pinaigting na kampanya laban sa mga wanted na dayuhang nagtatago sa bansa.

Sa isang pahayag sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang tatlong dayuhan ay naaresto sa tatlong magkakasunod na operasyon na isinagawa ng mga operatiba ng BI fugitive search unit (FSU) na pinamumunuan ni Rendel Ryan Sy sa Metro Manila at Pampanga.

Nabatid kay Tansingco na ang mga puganteng dayuhan ay nakapiit na ngayon sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang kanilang deportation.



“All three of them were already issued deportation orders by our board of commissioners, thus we will arrange their flights as soon as we have secured the necessary clearances for their departure,” dagdag ng BI chief.

“They have been placed in our blacklist and banned from re-entering the Philippines.”

Ayon kay Sy, una nitong naaresto sa Parañaque City nitong Jan. 25 ang Chinese national na si Peng Yao, 30, na wanted ng Beijing authorities dahil sa kidnapping and unlawful detention.

Ang dayuhan ay may warrant of arrest na inilabas ng People’s Procuratorate sa Luxi, China. Ang kanyang passport ay binawi na ng Chinese government.

Nito namang Jan. 29, naaresto ng mga operatiba ng FSU sa Angeles City, Pampanga ang Australian national na si Shaun Glen Mountney, 55, na wanted ng mga awtoridad sa Queensland dahil sa aggravated domestic violence at gumagamit ng carriage service para mang-inis, mang-harass at mang- offend ng kanyang kaibigan.



Naaresto rin noong Jan. 31 ang Korean national na si Yun Deokwon, 40, na wanted sa mga awtoridad sa Seoul dahil sa kanyang pagkakasangkot sa telecommunications fraud na siyang basehan ng Suwon district court sa Korea na maglabas ng warrant of arrest laban dito.

Ayon sa mga awtoridad, si Yun at ang kanyang kasabwat ay nag-o-operate ng call center sa China noong 2011 kung saan ginagawa nila ang voice phishing sa pagtawag sa mga biktima na inaalok ng mga fictitious loans kapalit ng kabayaran sa processing fees. (JERRY S. TAN/JOJO SADIWA)