Advertisers

Advertisers

DAMAY DAMAY

0 1,492

Advertisers

MAY pumutok sa lugar na tinitirahan ni Mang Juan, nagsisigawan ang tao na ‘di mawari kung saan tatakbo. Ang pagputok ang gumising sa maraming tao. Sa isang tahanan nagmula ang pagsabog na napasigaw sa mga naninirahan at mabilis na kumalat ang apoy. Sigawan at takbuhan ang mga naninirahang malapit sa pumutok. Tumakbo ang mga tao sa iba’t ibang direksyon upang maisalba ang sarili at ang iba’y may bitbit na kung anong bagay upang mailayo sa nasusunog. Hindi nagtagal tumindi ang nagngangalit na apoy na tumutupok sa mga barong barong na kabahayan. Habang sa kabilang panig ng lugar, naghahanda ang ilang kabahayan na pagsisiguro sa sitwasyon hinaharap. Hindi pa man kumikilos palikas, tunay na mainam ang may kahandaan upang maiwasan ang malaking pinsala sakaling tumawid ang apoy. Wika nga, mabuti ang maagap at may kahandaan ng mabawasan ang kapahamakan. Sa totoo lang, sa sunog walang hindi mapipinsala at literal na masasabing damay-damay kahit sino pa man.

Sa paglaon, dumating ang mga pamatay sunog na ‘di nag aksaya ng oras at naapula ang sunog na tumupok sa maraming kabahayan ng maralitang taga-lungsod. Samantala, laking pasalamat ng mga pamilyang ‘di nadamay ang mga tahanan ngunit naghanda at kailangan ibalik ang mga gamit na ‘di na inilabas dahil naapula ang sunog sa karatig tahanan. Tunay na nakakabahala ang sunog na ‘di batid kung tutuloy o ‘di tutuloy sa tinitirahang bahay. Sa sunog, ang paghahanda’y tunay kailangan higit ‘di alam kung saan iihip ang hangin na maglalagay sa sino o kaninong kabahayan sa alanganin. Hangin na magsasabing maghanda upang mabawasan ang pinsala sa pamilya, sarili at pag-aari. Ang maagap na pagkilos sa kaganapan, batid o ‘di batid ang magsasalba, magliligtas sa sino man humaharap sa hamon ng buhay. Subalit ‘di sa lahat ng pagkakataon nagtatagumpay ang maagang paghahanda higit kung pansarili ang layon.

Sa natupok ng sunog, umasang ‘di na maibabalik ang dating kaayusan higit sa kinagawian. Nariyan na hahanapin ang lumang o dating kaayusan at darating ang panghihinayang kung bakit nawala ang bagay na ibig sa buhay. Hahanap hanapin ang bagay o tao na ‘di minsang naging bahagi ng buhay o nakasama ngunit binigkis ng pagkakataon at layon. Sa maling hakbang ng ilang mahal sa buhay, higit ang mapait na pahayag sa kasama ang apoy na tumupok sa ugnayan na sinelyuhan ng iba’t – ibang paratang. Sa mapait na pagsasaad ang sumunog sa magandang samahan para sa kinabukasan. At nagkaroon ng palitan ng mapait na pahayag na naging maanghang. Mabigat ang bitbit na ‘di masisiguro na magkakaayusan ng magkaibigan higit tinamaan ang pagkatao ng nakasama sa laban. Sa pag-inog ng panahon walang kasiguruhan kung maibabalik ang dating samahan na sinunog ng pahayag ng malapit sa buhay.



Sa pahayag sa isang pagtitipon ng taong ibig kumawala sa liderato mula sa Hilaga, nais nitong humiwalay ang islang inaari na ‘di ibig ng nakararami. Ang pagsasaad ng maging hiwalay na bansa sa kasalukuyang kaayusan tuwirang pagsunog sa ugnayan na binuo kamakailan. Ang masakit ang pahayag na pinagbibitiw nang kung sinong lider ang susog na gatong na nagpalaki ng apoy ng ‘di pagkakaunawaan. Sa paglaki ng sunog na may kinalaman sa liderato maging sa pagkatao ng dating kaibigan at kasalukuyang namumuno, ‘di malaman ng mga kalahi, kakampi at maging ng mga dating tauhan kung paano aapulahin ang sunog na tuwirang tumupok sa ugnayan ng pagkakaisa. Dahil ‘di mapigil ang pagkalat ng apoy, nadamay maging ang tagapagmasid.

Sa pag-aapula sa apoy ng ugnayan, nagsalita ang ilang kapanalig ng nag-iiringang grupo at nag-sasabi na ginagatungan kuno ng oposisyon ang sunog para sa sariling pakinabang. Sa pahayag ng anak t’ Batac, silip na ibig sagipin ang ugnayan ng ama sa naglabas ng apoy ng pag-aakusa ng pag-gamit ng bawal na gamot. Sa pagsisikap na maapula ang apoy, binuhusan ng gasolina ang grupong walang kabatiran sa usapan na ibig pag-alitin ang magkakakampi. Ang malinaw ibig isangkot ng grupong katungali sa usapin sa taong walang ugnayan sa naghagis ng apoy sa amang palangiwi. At nasundan ng pahayag mula kay Haring Shokee na tumukoy sa grupong ibig pasahan ng sisi. O’ sadyang kailangang may pagdidiskitahan ang media at social media sa kung sino ang madamay sa sunog na gawa ng magkakaibigan.

Sa pahayag ng magkabilang panig na nasusunog, lumalabas na damay – damay ang daloy ng kilos na kaugnay sa darating na halalan. Ibig isantabi ang tunay na katungali ng makopo ang upuan sa ’25, at sila-sila sa senado’t kongreso tungo sa ’28. Patungo ang pagpatay sa sunog sa kalaban na minsang nagpatalsik sa ama sa nakaraan. Gamit ang media’t social media ibig apulahin ang sunog sa sariling tahanan sa pagdamay sa mga tunay na kalaban banta sa kasalukuyan at sa kinabukasan sa lideratong may katakawan sa salaping bayan. Habang sa likod ng Pinklawan, hindi napansin ng anak ti’ Batac ang ismiran ni Galema’t ni Inday Siba. O’ ibig iliko ang sunog sa karibal na mapagmasid sa kilos ng magkabilang panig na nag-aagawan sa yaman ng bansa para sa sariling kapakinabangan. Sa totoo lang, batid ng bayan ang tumupok sa ugnayan.

Sa sunog na likha ng mangmang sa katimugan, idinadamay ang Pinklawan sa pagkakatupok ng ano mang grupo, ang may salapi ang tatayo sa labang labo-labo. Hindi maisasalbang ang sarili kung ang sunog na likha’y nakatuon sa pinsalang pansarili. Ang idamay ang kalaban, maging ang ‘di kakampi para sa sariling layon ang taktikang gamit na lubhang mapanganib. Hindi elementarya si Mang Juan at batid ang ugnayan ng dalawang magkasama pilit na isinasalba ngunit may ibig makaisa. Magaling na palusot sa paggamit sa dating kalaban na batid ang kahinaan sa resulta ng dating halalan. Ang sunog na dahilan, ibig ipakita na ang Pinklawan ang arsonistang nagpapakalat ng apoy sa bayan upang makaupo sa kinabukasang halalan. Subalit sa tunay na regla ng kaganapan, ang dalawang grupo ang nagnanais na maisalba ang mukha’t sarili sa kagagawan na sila ang may gawa. Ang damay – damay na paraan ang gamit upang ipakita sa bayan likha ito ng kalaban. Sa pagkakataon na maniwala ang bobotante, sila-sila ang maglalaban sa halalan, laban ng mga sakim at pahirap sa bayan. Ang idamay ang apoy ng halalan ang galaw na ‘di lingid sa isip ni Mang Juan. Kung minsang natanso, ang maulit ay pagpako na ayaw ng mangyari ng bayan ko.

Maraming Salamat po!!!