Mayor Honey, nagpaabot ng pagbati sa Chinese-Filipino sa pagsalubong nito sa Chinese New Year

Advertisers
NAGPAABOT ng pagbati si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga miyembro ng Chinese-Filipino community, sa kanilang pagsalubong sa Chinese New Year ng 12 midnight ngayong February 9 at pag-welcome sa Year of the Wood Dragon na magsisimula sa February 10, 2024.
Sinabi ni Lacuna na kaisa siya ng mga Chinoys sa pagdiriwang ng Chinese New Year, kasabay ng pagbanggit niya ng papel ng Chinese-Filipinos sa paghubog ng mayamang kasaysayan at pag-unlad ng lungsod sa mga nakalipas na taon.
Binanggit din ng alkalde ang natatanging ambag ng mga ‘Chinoys’ sa mga programa ng lungsod at pinasalamatan ang mga ito sa kanilang suporta sa lokal na pamahalaan ng Maynila sa lahat nitong mga gawain.
Nagpahayag din si Lacuna ng paniniwala at tiwala na kahit na ang mga Chinoys ay may dugong Intsik sa kanilang mga ugat, sila ay mananatiling Filipino sa puso at isipan at ito ay pinatunayan ng kanilang malasakit sa pamahalaan at sa residente ng Maynila.
Sa partikular ay ipinagmamalaki ng lady mayor kung paano ang Chinese-Filipino communities sa Maynila ay nagbigay ng lahat ng kinakailangang tulong upang tulungan ang lungsod sa pagtugon sa pandemya.
Pinasalamatan din ni Lacuna ang mga Chinese-Filipinos na patuloy na nagsasagawa ng negosyo at hinikayat ang iba na tularan Ang mga ito. Sinabi pa ng alkalde na ang mga ibinibayad na buwis ng mga Chinese-Filipinos ay nakakatulong upang mapondohan ang mga programa na ang layunin ay mapagaan ang buhay ng mga mahihirap na Manileño.
Dahil dito, ang alkalde ay nanawagan sa lahat ng mga Chinese-Filipinos na ipagtuloy ang pagtatrabaho katuwang ang lokal na pamahalaan at magtatag ng mas malalim pang samahan.
Samantala, tiniyak ni Lacuna sa mga Chinoys sa lungsod na patuloy na tutugon ang lokal na pamahalaan sa abot ng kanilang makakaya sa lahat ng kanilang pangangailangan at walang kapahamakan na mangyayari sa kanila.
Sinigurado rin ni Lacuna na ang lokal na pamahalaan ng Maynila ay ginagawa ang lahat ng pagtitipid sa pondo ng lungsod upang tiyakin na walang masasayang kahit isang sentimo. Ito lamang ang paraan upang makabayad ang lungsod sa lahat ng suporta ng nakukuha nito sa taxpayers. (ANDI GARCIA)