Advertisers
BANGKAY na nang marekober ang isang lalaking tourist guide na nahulog sa malalim at mabatong bangin habang nagsasagawa ng “trekking activities” sa Tarak Ridge, Mariveles, Bataan.
Sa report ni Marty Tañagras ng Disaster Risk Reduction and Management, naganap ang insidente Huwebes 10:00 ng gabi.
Ang biktima na tinatayang nasa 30 anyos ay tubong Tarak Ridge at nagtatrabaho bilang “guide” sa nasabing tourist spot lalo na sa mga mahilig sa trekking activities.
Kinailangan pang gumamit ng chopper para maiahon ang bangkay ng biktima na matagumpay namang naisagawa ng rescue team Sabado ng umaga.
Ayon kay Tañagras, hanggang nitong Biyernes ng gabi ay hirap ang search and rescue team na maiahon ang biktima sa kinahulugan nitong malalim na bangin at Sabado ng umaga ipinagpatuloy ito.
Sa pahayag ng mga kasamahan ng biktima, may bahagi sa Tarak Ridge na tatawirin ng hikers kungsaan umakyat sila sa Palanas.
Habang naglalakad, nagputol pa ng ugat ng punongkahoy ang biktima. Gayunman, sa kamalasan ay sumamang bumagsak ang katawan ng biktima sa naputol niyang kahoy at nagtuluy-tuloy na bumulusok sa malalim na bahagi ng bangin.
Dahil sa insidente, suspendido muna ang trekking activities sa Tarak Ridge habang patuloy ang masusing imbestigasyon sa pagkasawi ng biktima.