Advertisers
MAHIGIT sa 5,000 High Value Target (HVT)ang naaresto at halos P32 billion halaga ng iligal na droga ang nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula nang maluklok ang administration ni Pangulong Ferdinand “Bongbong “ Marcos, Jr. noong 2022.
Sa inilabas na datos ng PDEA, mula July 1, 2022 hanggang January 1, 2024, umabot sa 5,366 individual na kabilang sa HVT ang naaresto at pagkakakumpiska ng iligal na droga na may kabuan P31.98 billion.
Sa P31.98b halaga ng mga nakumpiskang droga, ito’y kinabibilangan ng 4,317.46 kilos ng shabu, 50.47 kilos ng cocaine, 54.013 piraso ng Ecstasy at 3,197.19 kilos ng marijuana.
Nasa kabuan 79,841 drug suspects ang nadakip sa isinagawang 58,496 anti-illegal drug operation sa buong bansa.
Mula sa 42,000 barangays, nasa 28,247 barangays sa buong bansa ang naideklarang “drug cleared” mula July 1, 2022 hanggang Jan. 31, 2024; habang 7,264 pang barangays ang apektado ng illegal na droga sa kasalukuyan.
At isang shabu laboratory at 896 drug dens ang nabuwag sa mga drug operation. (Mark Obleada)