Advertisers
MINSAN sa buhay ang makaranas ng kakaibang kaganapan na hahanap hanapin dahil sa kaligayahang dulot. Walang pag-aatubili na makasama o makilahok sa gawaing ‘di batid ang kalalabasan subalit magtatala sa sarili na minsa’y napasama sa pagpapalaya sa sarili higit sa bayan. Mayroong kaganapan na nasaksihan na ‘di malilimutan kahit minsa’y tinawag na “miron sa war zone” dahil sumuong sa panganib na nakaamba. Isinantabi ang takot’ kaligtasan pansarili upang makilahok sa pagkilos na magpapalaya sa marami. Pagpapalaya ‘di lang sa diwa maging sa katawang panlupa. Sa pagtitika mula sa umpisa ng laban, hindi kumurap kahit naroon ang kabang nadarama dahil sa kinabukasan. Sa ilang araw na pagtitiyaga sa pagharap sa armas na pandigma hindi nag-isip na umatras o tumalikod para sa magiging salinlahi ng bansang minamahal. Sa tulong ng sanlumikha, namasdan ang silay ng araw na nagsasabing Malaya na ang bayan sa paglisan ng mapaniil na liderato sa bansa.
Sa nakamit na kalayaan, kumilos ang biyudang lider upang bigyan daan ang pagbabago sa uri ng pamahalaan na kumikilala sa kapangyarihan ng taong bayan. Nagkaroon ng pagpapalit ng saligang batas na nagpapatibay sa lakas ng mamamayan na siyang basehan ng bawat hakbang na isagawa ng gobyerno. Subalit, nagkaroon ng mga banta sa liderato ng bansa mula sa ilang kasundaluhan na ibig igiit ang sariling adhika na sala sa ibig ng bayan. Dahil bayan ang nagpasya para sa kagalingan, napagwagian ang maraming pagsubok na nagbigay daan sa halalan. Sa halalang naganap, silip ang pagbibigay daan ng dating babaeng lider na maaaring lumahok sa halalan ngunit ang inuuna ang kapakanan ng bayan at ‘di ang sarili. Dama sa dating lider ang kahalagahan ng lakas ng tao na siyang nagpasya para sa kabutihan ng bansa. Ang pagbibigay daan sa halalan ang nagpatatag ng demokrasya sa bansa na unang naganap sa paglisan ng dating diktador. At tunay na ang mamamayan ang nagpapasya sa landasing ibig.
Naganap ang pagpapasya at nanalo ang pangulong napili ng bayan. Sa pagpapasya ng bayan malinaw na nasa kamay nito ang kapangyarihang na magbago sa tahakin ng bansa. Sa pag-upo ng bagong liderato, nawala ang mga pagtatangka sa liderato ng bansa. Naipatupad ang ibig na programa sa bansa na ‘di man paborable sa nakararami, ang pasya’y pasya. At sa panahong bangit, ganap ang pasya ng bayan na siyang rurok ng demokrasya gayung may kahinaan. May kahinaan man ang pasya subalit patunay na gumagana sa bansa ang demokrasya na ibig ng tao. Sa pagpapasya, mapait ang kinalabasan kung kabuhayan ng mamamayan ang sasanggunian. Walang pag-asenso sa takbo ng kabuhayan sa halip nagpatuloy ang kahirapan ng nakakarami ngunit ‘di ng iilan. Sa pagtakbo ng panahon, masasabing tao ang nagpapasya sa lideratong ibig ngunit ‘di sa kabuhayang kinahaharap. Na sa totoo lang, ang mapanatili ng iilan ang pagpapasya sa kabuhayan ang ‘di makita ni Mang Juan.
Uminog ang panahon at nagpasya kuno ang mamamayan na palitan ang pumalit na lider sa itaas dahil sa salang pandarambong. Sa pagkakataong ito, pansin na lubhang malakas ang pwersa ng bayan sa pagpapasya sa kung sinong lider ang nais para sa bansa. At tuluyang napalitan ang artistang lider ng bansa na pinahalagahan ang alak at sugal sa halip na serbisyong bayan. At sa pagpalit ng lider, itinuloy ang natirang panahon ng pinalitan ngunit ‘di pansin ang kagalingan ng mamamayan. Tunay na ‘di usapin ang pagiging magaling sa ekonomiya ang isang lider higit sarili ang inilalako. Sa paglalako, ito’y lumiko ngunit nakuha sa “I am sorry” si Mang Juan at nabigyan ng pagkakataon na tapusin ang termino. Sa pagtatapos ng termino, hindi naging mapalad ang bayan at ng mga na una, patuloy ang paghihirap sa buhay ng mamamayan. At sa totoo pa rin, ang maraming kasapakat ng lider ang namunini na nagbigay daan upang makilala si Napoles na reyna ng PDAF.
Sa huling bahagi ni Glori B. sa pwestong tangan, yumao ang dilawang pangulo na nagtaguyod sa demokrasya ng bansa. At sa ‘di inaasahan, tadhana ang nagdala sa anak ng dilawang pangulo tungo sa puno ng Balite ng Malacanan. Tila hinahanap ng bayan ang uri ng liderato na nagbibigay pag-asa kay Mang Juan at sa mamamayan ng pag-ahon sa kabuhayan. Nahalal si Noy Wangwang at walang sinayang na oras at nilinis ang pamahalaan sa maraming katiwalian. Nagsimula ang paglilinis sa kakalsadahan hangang sa mga opisina ng mamamayan na nagbigay daan sa pag-alis ng ilang prebilehiyo sa mga halal na opisyal. At ng bumaba sa tungkulin, nag-iwan ito ng P1T sa kabang bayan at ‘di kataasang utang pambansa.
Pumalit ang buwang ng katimugan, at tila kandilang naupos ang demokrasya. Naging bantulot ang maraming Pinoy sa pakikilahok sa usaping bayan. Sa dami ng humandusay sa kakalsadahan sa maling laban sa droga,‘di nakuhang magtungo ng nagmamahal sa demokrasya na magpahayag ng saloobin sa takot na matulad sa mga biktima ng EJK. Tuluyang tinakot ang bayan ng ipinakulong ng buwang ng katimugan ang dating Sen. D5. Sa pagkakataong ito, naging malamya ang maraming pagkilos sa kalye at umasa sa laban sa balota. Sa laban sa balota, hindi narinig ang pasya ng bayan sa paggamit ng SMARTMATIC na may magic. Hindi nakapalag ang mga kontra sa buwang at katahimikan ang ingay na maririnig. At sa dulo, tila lumisan ang diwa ng EDSA na sangkalan ng pasya ng bayan.
Sa kasalukuyang panahon, bumalik ang mga taong sinipa ng “People Power” habang humihina ang mga taong tumangkilik sa mapayapang pagbabago. Na sa totoo lang, nawala sa radar ng politika ang mga taong kasama sa pagpapalit ng liderato noong EDSA, kung halalan ang basihan. Subalit ayaw magpapigil ang ilang mapagmahal sa bayan na ipakita sa maliit na paraan na narito sila. Hindi tumigil kahit ‘di pansin ng media at social media at patuloy sa pangangalampag sa usaping pamabansa. Walang pag-aatubili at pilit na binabandera na ang laban ng bayan ay ‘di lang sa balota. Sa halip ang ipinapakita sa kalye’t liwasan ang salang pagpapalakad sa bayan. Hindi man sila pansin ng nakararami, ang EDSA’y buhay sa puso ng mga ito na ilaw sa landasin na pilit na minamaliit ng nasa pwesto. ‘Di lang ang petsa at pista ang mahalaga sa buwan ng Pebrero, higit ang diwang itinanim sa EDSA, ang kasaysayan ng bayan para sa salinlahi.
Maraming Salamat po!!!