Advertisers
NAPAKARAMING nagsusulputang televangelists, pastor, “sugo” at religious groups ngayon.
Sa galing nilang mag-“Amen!!!”, napakarami nilang napapaniwala at napapasunod sa gusto nilang ipagawa. Dahil sila raw ang ispiritu ng Diyos, appointed ng Diyos, Angel ng Dios o Sugo ng Diyos.
Halimbawa lamang sina “Senior Agila” ng Socorro Bayanihan Services (SBSI), Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) at marami pa…
Itong SBSI ni Senior Aguila, Jey Rence B. Quilario ang tunay na pangalan at 23 anyos palang, mula Socorro, Surigao del Norte, ay nabuwag na matapos ireklamo sa Senado ng mga miyembro na kanyang inabuso.
Malamang na ganito rin ang kahihinatnan ni Quiboloy na nahaharap ngayon sa maraming kaso ng sexual abuses, pananakit sa mga dating miyembro at iba pang kasong kriminal. Wanted narin siya sa Federal Bureau of Investigation (FBI) sa Amerika, at kasalukuyang iniimbestigahan ng Kongreso sa mga katulad na kaso ng pang-aabuso, at paglabag sa franchise ng kanyang media network na ginagamit sa pagpapalaganap kuno ng mga salita ng Diyos.
May ilan pang kilalang televangelists ang nakarma na, utal-tal nang magsalita matapos ma-mild stroke, dahil sa panloloko. Mismo!
Ang mga “sugo” kuno ng Maylikha na ito ay ubod na ng yayaman mula sa dating namamalimos lang sa bangketa: Nagkaroon na ng realty business, nakapagpatayo ng mga condominium, media outlet, sariling programa sa radio at television, at namayagpag sa politika.
Ang kanilang pagyaman ay gawa ng kanilang mga miyembro na namamalimos sa kalye para sa kanila, ginamit ang mga miyembro para makahingi ng malaking halaga sa mga politiko lalo ‘pag panahon ng eleksiyon.
Ang pinakamatindi rito ay naikakama nila ang mga bata at magagandang miyembro kung kailan nila gustong kastahin tulad ng kasong kinakaharap ng Pastor ninyo…
Pero sabi nga, walang forever sa mga manloloko lalo yung mga gumagamit sa banal na pangalan ng Maylikha, pahihirapan sila sa masakit na wakas.
Again, ‘wag na po tayo magpaloko sa mga nagsusulputang “Sugo” na ang unang iniuutos sa inyo ay isuko ang inyong pagkatao sa kanya at atasan kayong mamalimos sa lansangan. Demonyo yan!
Opo! Hindi natin kailangan na sumanib sa anumang kulto ni “Pastor” o ni “Brother” na nagsasabing “magliligtas” sa atin sa kamatayan. Tandaan: Lahat tayo ay papanaw lalo kung pababayaan natin ang ating mga sarili.
Ang importante, mga kapatid, naniniwala tayo sa Diyos, hindi nanlalamang sa kapwa, mapagkumbaba at tumutulong sa nangangailangan sa abot ng nakakaya. Dito ay pagpapalain tayo ng Maylikha. Amen!
***
Belated Happy birthday Senator Risa Hontiveros. Napasaya mo ang mga daycare sa aming barangay sa Tondo. Hindi man nabigyan ng I-pad ang lahat, okey narin sa mga magulang. Ang mahalaga ay nakapunta ka sa aming lugar at naka-selfie ng barangay officials. Okey ka, Sen. Risa!!!