Advertisers
NAGISING na rin sa katotohanan ang mga ating mga kababayan!
Bad trip na talaga ang karamihan sa ating mga kababayan sa patuloy na pang-aapi at pambu-bully na ginagawa sa atin ng mga dayuhan.
Tandaan natin na halos 400 taon tayong sinakop ng mga Kastila, tapos pinalitan ng mga Amerikano bago pinalitan ng mga Hapon.
Bagama’t Hunyo 12, 1898 natin unang idineklara ang ating kalayaan kuno mula sa mga Kastila, sa totoo lang ay hindi naman talaga tayo naging ganap na malaya mula noon haggang ngayon.
At sa kasalukuyang panahon nga ay tila nagbabanta naman ang mga tsekwa na guluhin ang ating katahimikan sa pamamagitan ng puwersahang pag-agaw sa ating mga teritoryo diyan sa West Philippine Sea.
Kaya naman hindi na nakapagtataka ang resulta ng survey na ginawa ng UP-based OCTA Research kamakailan.
Ayon sa survey na kinomisyon ng Armed Forces of the Philippines, pito sa bawat 10 Pilipino ang nagpahayag ng kahandaang ipagtanggol ang Pilipinas mula sa mga kaaway na bansa.
Hindi natin alam ang dahilan kung bakit nagpa-survey ang AFP pero malamang ay dahil gusto rin nilang malaman ang pulso ng mga Pinoy, kaugnay ng tumataas na tensyon sa WPS.
At tiyak na matutuwa sa resulta ng survey ang ating AFP dahil maliwanag na suportado sila ng karamihan sa ating mga mamamayan.
Ibig sabihin din nito na handa silang sumabak sa bakbakan kung kinakailangan at mauwi na nga sa totohanang giyera ang sitwasyon.
Para sa akin ay dapat na talaga nating paghandaan kung ano man ang magiging resulta ng sitwasyon sa WPS.
Panahon na para patunayan natin na nagkakaisa tayo at handa nating ipagtanggol ang ating soberenya at kasarinlan upang hindi tayo maliitin at apihin ng kahit na sinong bansa.
Sabi nga sa pambansang awit natin” sa manlulupig , hindi ka pasisiil”at dapat lang na panindigan natin ito.
Huwag nga lang sana tayong ibenta ng ating mga pulitiko na kunwari ay nagmamahal sa bansa ,pero tuta naman pala ng mga higanteng nasyon na gustong sumakop sa atin.
Abangan!