Advertisers
BINABALAAN ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang publiko, partikular ang mga gumagamit ng vape, laban sa presensya ng cannabis (marijuana) oil cartridges na ginagamit na bilang vape aerosol sa bansa.
Kasunod ito ng pagkakasabat ng mga ahente ng Special Enforcement Service (SES) ng PDEA sa kabuuang 184 cannabis cartridges sa hiwalay na buy-bust operations sa Taguig City noong Huwebes.
Nagresulta rin ang operasyon sa pagkakaaresto sa dalawang suspek.
Sa ulat ng PDEA, nasamsam sa unang suspek ang 164 cartridges ng marijuana oil na nagkakahalaga ng P738,000 matapos silbihan ng search warrant sa kanyang tahanan sa Barangay Paglingon-Tipas.
Nakumpiska rin mula sa kanya ang 28 gramo ng high-grade kush na nagkakahalaga ng P14,000.
Nadiskubre naman mula sa ikalawang suspek ang 20 cartridges na nagkakahalaga ng P90,000 sa Barangay Sta. Ana.
Natuklasan sa intelligence reports na nagmula ang cannabis oil cartridges sa California, United States, at dinadala sa Pilipinas sa pagdaan sa Thailand sa pamamagitan ng courier service, partikular sa cargos at balikbayan boxes.
Sinabi ng opisyal ng PDEA-SES na “gravely alarming” na nakapapasok na ang cannabis oil cartridges sa merkado, o kahit sa social media.