Advertisers
PINAAARESTO na ng Senado si Pastor Apolo Quiboloy, ang multi-bilionaire founder ng Kingdon of Jeus Christ (KOJC) na nahaharap sa mga kasong panggagahasa, child trafficking, dollar smuggling at fraud sa Amerika.
Oo! Nitong Martes ay nag-isyu ng arrest warrant si Senate President Migz Zubiri matapos na ‘di nakakuha ng sapat na pirma ng mga senador ang “protektor” ni Quiboloy na si Senador Robin Padilla para mapigilan ang arrest order ng Senado, makaraang i-cite in contempt ng komite ni Sen. Risa Hontiveros ang pastor dahil sa pag-isnab nito sa Senate invetigation hinggil sa mga reklamong rape at pang-aabuso sa mga dating miyembro ng kanyang KOJC.
Maliban sa Senado, pinaaaresto rin ng House of Representatives o Kamara si Quiboloy dahil din sa hindi pagsipot sa House inquiry hinggil sa mga reklamo ng paglabag sa franchise ng kanyang network, Sonshine Media Network International (SMNI).
Ngayong may arrest order na ang Senado at Kamara laban kay Quiboloy, nasa mga kamay na ngayon ng pulisya o ng NBI ang pag-aresto sa dating spiritual adviser ni dating Pangulo “Digong” Duterte.
***
Si Duterte ay dumalo sa protest rally ng supporters ni Quiboloy sa Maynila, kungsaan ipinanawagan pa ng ilang miyembro ng grupo ang pagsipa kay Pangulong “Bongbong” Marcos sa puwesto.
Nasa naturang rally rin si Vice President Sara Duterte-Carpio, anak ni Digong.
Nasa Saligang Batas na kapag bumaba sa puwesto ang Presidente at awtomatikong ang Bise ang uupong lider ng bansa.
***
Makailang beses nang bumira si Digong laban kay Marcos. Pero nanatiling kalmado ang Pangulo.
Isa sa mga rason kaya gusto ni Digong na mawala sa puwesto si PBBM ay para maproteksiyunan si Quiboloy sa mga kinakaharap nitong kaso, at mapigilan narin ang International Criminal Court (ICC) sa pag-aresto mismo sa kanya sa kasong ‘Crimes against humanity’ kaugnay ng kanyang “pekeng” war on drugs nung kanyang termino kungsaan sabi ng human rights group ay mahigit 30,000 ang pinatay pero sa datus ng PNP ay nasa 6,000 lamang ang bilang ng mga biktima.
***
Ngayong nagtatago sa batas si Quiboloy, si Digong ang itinalaga niyang administrator ng kanyang mga ari-arian.
Si Quiboloy, ayon sa ulat, ay nagmamay-ari ng tatlong ari-arian sa Canada at California na nagkakahalaga ng P338 million.
Ang mga ari-ariang ito ni Quiboloy ay posibleng kunin ng gobyerno ng Amerika dahil sa mga kasong kinakaharap niya rito tulad rape, child trafficking, dollar smuggling at fraud.
Nais din ni dating Senador Liela de Lima na imbestigahan ng Anti-Money Laundering Council (ALMC) ang salapi ni Quiboloy at ng kanyang ministry bago pa ito mailipat kay Digong at masimot.
Si Quiboloy ay sinasabing nagtatago sa kanyang “Dome” sa Davao City kungsaan protektado ito ng pamilya ng maimpluwensiyang politio sa Mindanao. Tuldukan!