MPD, dep’t, offices at bureaus ng City Hall na nanatiling operational kahit Holy Week, pinuri ni Mayor Honey
Advertisers
BINIGYANG papuri ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga kababaihan at kalalakihan ng Manila Police District (MPD) pati na ang iba pang departments, bureaus at offices sa City Hall na nanatiling bukas sa kabila ng Holy Week.
Partikular na binigyan ng papuri ni Lacuna ang MPD sa ilalim ni director, Gen. Arnold Thomas Ibay, na ayon sa kanya ay nagpanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Maynila at maging sa lugar kung saan naroon ang mga simbahan na dinadagsa ng mananampalataya.
Binigyang komendasyon din ng lady mayor ang mga kawani ng city government units sa patuloy nilang operasyon, kung saan ang iba ay naka-stand by upang tumugon sa kaso ng mga emergency.
Ikinatuwa rin at pinuri ng alkalde ang pagsasagawa ng peaceful religious activities na kaugnay ng paggunita sa Semana Santa.
“Pinupuri at pinasasalamatan natin ang MPD sa mapayapang prusisyon ng Nazareno sa Semana Santa,” ayon kay Lacuna na nagsabi rin na ang prusisyon isinagawa sa Maynila ay mapayapa at maayos.
Papuri din ang iginawad ni Lacuna sa mga mananampalatayang Katoliko na nakilahok sa mga gawain na naisakatuparan ng mapayapa at mataimtim.
Samantala, ang mga city government offices na kung saan ang mga kawani ay pinuri ng alkalde dahil piniling hindi magbakasyon at sa halip ay patuloy na nagtrabaho ay ang mga tanggapan ng department of engineering, city electrician’s office, department of public services, Manila traffic and parking bureau, city markets, at Manila disaster risk reduction management office.
Nanawagan naman si Lacuna sa lahat ng mga city officials at employees na gamitin ang kanilang renewed energy sa pagtupad ng kanilang gawain at pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan.
“Sana kayo ay nkapagpahinga, nakapag-recharge at nakapagbigay ng panahon upang magdasal at i-observe ang Semana Santa. Gamitin po natin ang panibagong buwan at panibagong pagkakataon upang gampanan nang maayos ang ating mga tungkulin dahil gaya ng lagi kong sinasabi, bukod sa pamilya ay tayo ang inaasahan ng bawat isang Manilenyo,” saad ng alkalde. (ANDI GARCIA)