Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
SA presscon ng “G! LU!” na ginanap sa Kao Manila sa Resorts World Manila, sinabi ni Enzo Pineda na natagpuan na niya ang babaeng gusto niyang pakasalan at makapiling habangbuhay.
Ito ay walang iba kundi ang kanyang girlfriend for three years na si Michelle Vito.
“Yes, she’s definitely the one,” bulalas niya.
Hindi rin niya ikinaila na napag-uusapan na nila ang pagpapakasal.
“Yes, we initially talk about it. Pero at the moment, we’re focused on our goals. May sarili pa siyang goals na gustong ma-achieve. Definitely we are in a good path and we’re happy with our relationship,” bulalas niya.
Dagdag pa niya, nag-iba rin daw ang pananaw niya mula nang makilala niya si Michelle.
“Definitely, nag-iba na iyong goals ko in life. Iyong maturity,” ani Enzo.
Sa ngayon daw, balak din nila ni Michelle na makapagtayo ng negosyo kaya nag-aaral siya.
“Besides sa showbiz, active ako sa culinary school. I’m taking diploma in culinary arts. I used to take up agriculture pero nag-shift ako sa culinary,” paliwanag niya.
Masaya rin si Enzo dahil malapit nang ipalabas ang kanilang summer barkada movie na idinirehe ng prolific director na si Phillip King.
“It’s one of the movies na na-enjoy kong gawin. We shot this movie around 2019 before pandemic. May abs pa ako. I’m very excited na mapapanood na siya,” lahad niya. “Magandang timing din siya kasi it’s summer. And when you talk of summer, you think of spending time with your barkada or family kapag vacation sa beaches. Here, we feature La Union which is the surfing capital of the North,” esplika niya.
Marami rin daw ang makaka-relate sa pelikula dahil kuwento ito ng last get-together ng high students bago sila grumadweyt.
“We all play rich kids, heirs, but our parents decided to split the barkada up before we graduate in high school, so we decided to go to La Union before we have our separate, respective lives,” pagbabahagi niya.
Ibinida rin niya na may pabortahan sila ng mga hunk co-stars niya sa movie.
Hirit pa niya, hindi raw naman siya nagpakabog sa kanyang co-stars sa paghuhubad-baro.
“Oo naman. Siguro mga 80 percent. Topless ako,” pakli niya.
Happy din siya dahil marami nang nagbago sa path ng kanyang mga kaibigan after their shoot.
“Maraming nagbago. My co-actors, nag-shine sa kani-kanilang respective careers. Iyong mga single dati, may dyowa na. Tapos kasama rin namin dito ang beauty queens like Michelle Dee. So, it’s really exciting,” bulalas niya.
Bukod kay Enzo, tampok din sa pelikula sina Ruru Madrid, David Licauco, Derrick Monasterio, Kiko Estrada at Teejay Marquez.
Kasama naman sa supporting cast sina Pinky Amador, Michelle Dee, Katarina Rodriguez, Chanel Morales, Maureen Montagne, Sophia Senoron, Kimi Mugford, Ali Forbes, Carl Guevara, Ken Anderson, Denver Hernandez at marami pang iba.
Palabas na simula sa Abril 24 sa mga sinehan, ang G! LU! ay produksyon ng ALV Films at Rein Entertainment.