Advertisers

Advertisers

“DEGREES FOR SALE” SA CAGAYAN, SISILIPIN NG SENADO

0 6

Advertisers

PAIIMBESTIGAHAN ni Senator Sherwin Gatchalian sa Commission on Higher Education (CHED) ang napaulat na “degrees for sale” sa ilang universities at colleges sa Cagayan.

Kaugnay na rin ito sa napaulat na pagdami ng Chinese students sa lalawigan kung saan ilan sa mga ito ay nagbabayad ng ?2 million kapalit ng degree kahit hindi naman talaga pumapasok o nag-aaral.

Sinabi ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, na bagamat sinusuportahan niya ang internationalization sa ating mga higher education institutions (HEIs), mariin naman niyang tinututulan na ginagawang diploma mill ang bansa.



Aniya, ang pagbebenta ng diploma o degrees ay nagmamaliit sa ating pagsisikap na mapaghusay ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Inaatasan ni Gatchalian ang CHED na magpataw ng nararapat na multa o parusa sa mga HEIs at sa mga opisyal na hinahayaan ang ganitong iregularidad sa mga paaralan.



Dapat din aniyang iparating ang mensahe sa buong bansa at sa buong mundo na ang mga diploma sa Pilipinas ay hindi “for sale”.

Samantala maghahain naman ng resolusyon si Senator Risa Hontiveros para maimbestigahan ng Senado ang napaulat na ilang mga dayuhang estudyante na nagbabayad ng milyon-milyong pisong halaga kapalit ng diploma.
Kaugnay na rin ito sa ibinulgar ni UP Professor Chester Cabalza na ilang mga Chinese students sa lalawigan ng Cagayan ang nagbayad ng P2 million kapalit ng diploma kahit mga hindi naman pumapasok sa unibersidad.



Ayon kay Hontiveros, maliban sa paglabag sa proseso ng Bureau of Immigration ay dapat na silipin ng Senado ang napaulat na presensya ng mga Chinese nationals sa paligid ng EDCA sites at kung may kinalaman ito sa napaulat na pagdami ng Chinese students.

Ang lalawigan ng Cagayan ay isa sa mga piniling EDCA sites kung saan napaulat din ang paglobo ng bilang ng mga Chinese students na nag-aaral doon.

Giit ng mambabatas, isa itong national security concern na dapat agad na maimbestigahan.

Naghihinala rin si Hontiveros kung ang paglaganap ng mga Chinese students sa Cagayan ay panibagong kabanata ba ng pastillas scam na kung saan ang visa upon arrival at iba pang proseso ng Immigration ay naabuso dahil nakapasok sa bansa ang mga iligal na Chinese nationals na nagtatrabaho sa POGO.

Subaybayan!

***

Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com.