Advertisers
DAPAT magbitiw na sa gabinete ni Pangulong “Bongbong” Marcos, Jr. si Vice President Sara Duterte-Carpio.
Si Sara ay kasalukuyang nagsisilbing Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon. Ini-enjoy niya lahat ng prebilihiyo sa pagiging opisyal ni Marcos, pero ang kanyang ama at mga gabinete ay inaatake ang Pangulo, at wala siyang ginagawa para pigilan ang kanyang erpat at mga kapatid (Mayor Baste at Congressman Paolo) sa pagwakwak sa kanyang presidente na kasama niya sa pagtakbo noong 2022.
Ganito rin ang sintimyento ng maraming kongresista at senador na mga sumisipsip sa mga Marcos. Wala raw delicadeza si VP Sara.
Kaya bad shit este bad shot si VP Sara kay First Lady Liza Araneta-Marcos, kungsaan nag-iisnaban ang dalawa sa tuwing magkita sa mga okasyon.
Sa isang interview, lantarang sinabi ng Unang Ginang na malabo na silang magkaayos ng pangalawang pangulo.
Bagay na sinabi ni Pangulong Marcos na “complicated” na ang relasyon nila sa mga Duterte, lalo’t panay parin ang atake sa kanya ng mag-aamang dating Pangulong Digong, Baste at Polong.
Sa ganitong sitwasyon dapat kumalas na si VP Sara sa gabinete ni Marcos. Oo! Ang linaw naman kasi na hindi niya ipinagtatanggol ang kanyang presidente kahit nga sa napakainit na isyu sa West Philippine Sea ay panay pa ang kontra niya sa mga pahayag ni PBBM laban sa China. Sa halip ay ipinagtatanggol pa niya ang China tulad ng kanyang ama.
Nagtataka rin lang tayo kung bakit ayaw sibakin ni Marcos si VP Sara gayung wala namang naitutulong ito sa kanya at tila ibinabagsak pa siya. Mismo!
Kung bakit naman ayaw magbitiw ni VP Sara sa DepEd, kayo na ang maghusga. Pero feeling ko ginagamit niya ang DepEd sa kanyang ambisyong sa 2028. Say n’yo mga pare’t mare?
***
Tama ang aking mga isinulat noon na ang drogang pumapasok sa bansa ay isinasakay sa barko at sinasalo ng yate para dalhin sa lupa.
Tulad ng pagkasabat sa mahigit P9 bilyong halaga ng shabu sa Alitagtag, Batangas. Kinarga ito sa yate at sinalo ng dating US Army na si Alajon “Al” Michael Zarate na taga-Project 4, Quezon City.
Ang inaalam nalang ngayon ng mga awtoridad ay kung sino ang nagpadala ng droga kay Zarate o inutasan lang din ito para kunin ang droga sa baybayin ng Alitagtag.
Aksidente lang kuno ang pagkahuli sa checkpoint ng higit isang toneladang shabu. Sinita raw ng pulisya ang driver, hinanapan ng lisensiya sa pagmamaneho pero wala itong maipakita, kaya sinilip ang kanyang kargada sa likuran ng Foton ban at doon nakita ang bulto-bultong shabu.
Mantakin n’yo, mga pare’t mare, kung nakalusot sa checkpoint ang naturang dami ng shabu, sigradong milyon ang mabubuang at maraming pamilya ang mawawasak.
Kaya pinupuri natin ang mga pulis ng bayan ng Alitagtag partikular ang mga nagsagawa ng checkpoint. Tama lang na mabigyan sila ng spot promotion.
Saludo ako sa inyo, mga Sir! Pero bakit bumaba sa P9.6 billion ang shabu mula sa unang iniulat na P13.3 billion?