Advertisers

Advertisers

2 natusta sa sunog sa pumutok na charger

0 4

Advertisers

Nasawi ang 86-anyos na lola nang sumiklab ang sunog sa kanilang bahay na ikinadamay ng isang gusali sa Ermita, Manila.

Kinilala ang nasawi na si Chiu Deng Kangbakale, isang Chinese na sinasabing bedridden at hindi na nakakatayong mag-isa, nang ma-trap sa nasusunog nilang tahanan.

Tatlo ang nasaktan sa sunog na kinabibilangan ng dalawang bumbero at anak ng nasawi na si Peter Kho Kangbakale, 49, nang makalanghap ng usok.



Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Ermita Police Station 5 (PS5), 9:30 ng umaga nang maganap ang sunog sa pagitan ng Alhambra St. at Guerrero St., malapit sa Plaza Ferguson, sa Ermita.

Nagsimula ang sunog sa 2-palapag na residential-commercial building, na nasa likod ng isang hotel na pagmamay-ari umano ng pamilya ng biktima at nadamay ang katabi nitong gusali.

Nasa loob umano ng comfort room si Peter ngunit paglabas niya malaki na ang apoy sa kabahayan kaya’t hindi na niya nagawa pang iligtas ang kanyang ina. Nawalan din siya ng malay matapos na makalanghap ng usok ngunit naisalba ng mga awtoridad at nasa maa­yos nang kalagayan.

Dakong 10:38 ng umaga nang ideklarang under control ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sunog, at fire out 11:07 ng umaga.

Ayon sa pulisya, ­inaalam pa nila ang pinagmulan ng apoy ngunit ayon umano sa isang opisyal ng barangay, isang empleyado ang nagsabing posibleng nagsimula ang sunog sa isang nag-overheat na charger na nakasaksak.



Sa pagtaya, aabot sa P900,000 ang halaga ng mga ari-ariang tinupok ng apoy.

Samantala, dalawa katao rin ang nasugatan nang sumiklab ang sunog sa Pulong Kendi 1, Barangay Sta Ana, Taguig City, nitong Linggo ng madaling araw.

Nagtamo ng first degree burn sa kaliwang hita at second degree burn sa kaliwang talampakan ang residenteng si Jaira Gapuz, 21, habang si Josie Ramos, 24, ay second degree burn naman ang tinamo sa magkabilang kamay.

Tinatayang pitong pamilya ang naapektuhan ng sunog na nagsimula 3:30 ng madaling araw at agad na idineklara ang first alarm makalipas ang ilang minuto. Pagsapit ng 4:20 ng mada­ling araw idineklara nang fire-out ng BFP nang dumagsa ang may 13 fire trucks sa lugar. Inaalam pa ang halaga ng mga na­pinsalang ari-arian sa sunog.(Jocelyn Domenden)