Advertisers
Una sa lahat, maraming salamat sa mga dumalo at nagpakinang sa ginanap na ikalawang induction ng bagong Airport Press Club (APC) sa Bayleaf Hotel nitong nakaraang Miyerkules.
Partikular nating pinasasalamatan si Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Eric Ines; New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) manager Lito Alvarez; Bureau of Immigration (BI) deputy spokesman Melvin Mabulac; CAAP spokesman Eric Apolonio and public information officer Karen Villanda; Philippine Airlines (PAL) President Capt. Stanley Ng at PAL spokesperon Ma. Cielo Villaluna; Cebu Pacific Corporate Social Responsibility head Roxanne Gochuico at sina AirAsia Head of Communications and Public Affairs and First Officer Steve Dailisan at Carlo Carongoy, Communications and Public Affairs /External Communications Manager at Deputy Spokesperson ng Air Asia.
Sa nasabing okasyon, iisa ang naging panawagan nila at ‘yan ay ang tulong media para sa pag-uulat ng tama at patas na impormasyon.
Sina MIAA GM Ines at NNIC Manager Alvarez ay parehong nagbigay-diin sa papel ng media para mapabuti ang serbisyo sa mga pangunahing paliparan ng bansa.
Binasa ni Alvarez, bilang kinatawan ng inducting officer na si Ramon See-Ang, may-ari ng San Migguel Corporation at nanalong bidder sa NAIA privatizaion, ang mensahe nito para sa mga bagong-halal na opisyal ng APC at maging siya ay ganun ang panawagan sa media.
Mukhang magiging maganda ang takbo ng bagong NAIA dahil kahapon ay kitang-kita namin kung gaano magkasundo sina GM Ines at GM Alvarez.
Nakailang meeting na din sila upang malinawan ang papel ng magkabilang panig at kung paano sila makakapagtulungan para sa ikabubuti ng operasyon sa NAIA Terminals.
Tiniyak din ni Alvarez sa APC na hindi pagbabawalan ang media na mag-cover kapag nagsimula na ang privatization sa darating na Setyembre 14 dahil aniya, kailangan nila ang tulong ng media para mapabuti ang serbisyo.
Binigyang-diin din ni GM Ines na malaki ang naitutulong ng media para malaman nila ang kadalasan ay mga impormasyon na di na nakakarating sa kanila.
Batay sa kanyang ipinapakita ay talagang makikita mong gustong-gusto talaga ni GM Ines na nakakatanggap ng mga impormasyon, lalo na kapag negatibo dahil sa ganitong paraan lamang niya maaring iwasto ang mali.
Nakatutuwa din kung paano nagkuwentuhan ang mga kinatawan ng CEB, PAL at Air Asia na parang magkakaibigan at di mo makikitaan ng kompetisyon.
Muli, congratulations sa APC na pinamumunuan ng aming Pangulong si Ariel Fernandez at sa lahat ng mga opisyal at miyembro ng APC.
***
Dumalo rin bagama’t medyo late na, ang bagong-halal na direktor ng National Press Club na si Atty. Ferdie Topacio.
Nangako ito na tatrabahuin ang pagbibigay ng amnestiya para sa mga inalis na miyembro ng NPC nang dahil lang sa pagkakautang sa membership dues na lumobo dahil sa pandemya, kung saan dapat ay nagkaroon man lamang ng konsiderasyon.
Aniya, sisikapin din niyang putulin na ang maraming taong pagpapasa-pasahan na lamang ng posisyon sa NPC upang bigyang-daan ang pagpasok ng mga bagong dugo, kasabay ang pag-asang mareporma ang NPC bilang isang prestihiyosong organisasyon.
Bukod sa mga inalis na dating miyembro, balak din ni Topacio na maipasok ang mga nasa industriya na kelanman ay di naging miyembro. Reporma talaga ang lakad niya kaya naman ngayon pa lang, suportado na siya ng maraming taga-media.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.