Advertisers
SINIBAK sa pwesto ni Philippine Drug Enforcement Agency-9 (Zamboanga Peninsula) Regional Director Maharani Gaodani Tusoc sina PDEA Zamboanga City Office chief Marvin Santos at 11 pang tauhan nito kaugnay ng pagtakas ng pitong drug detainees nitong Lunes, Mayo 13.
Sinabi ni Tusoc, pinalitan sila at inilipat sa regional office para bigyang-daan ang imbestigasyon.
Aniya, bumubuo na sila ng isang tracker team na binubuo ng mga sundalo, pulis, kulungan, at mga ahente ng PDEA para tugisin ang mga tumakas.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na winasak ng mga suspek ang kisame at bahagi ng dingding ng detention cell gamit ang isang piraso ng metal.
Sinusubukan din ng awtoridad na matukoy kung paano nakuha ng mga suspek ang metal at ginamit ito para sa kanilang pagtakas.
Hiniling dito ni Mayor John Dalipe ang PDEA na imbestigahan ang pagtakas. (Boy Celario)