Advertisers
SA kasalukuyang takbo ng pulitika sa Pilipinas, hindi na bago ang paggamit at pagsampa ng mga kasong graft and corruption bilang sandata ng mga kalaban sa pulitika. Kumbaga ito ay lumang tutugtugin na.
Kamakailan inireklamo ng isang alyas Francisco Balagtas sa Office of the Ombudsman sina Bulacan Gov. Daniel Fernando, Vice Gov. Alex Castro at ang mga opisyal ng TCSC Corporation kaugnay sa P500 million Bulacan River Restoration Project.
Pinaboran umano nina Fernando ang TCSC na pinamumunuan ni Dionesio V. Toreja; Engr. Bernie Pacheco, Vice President for Mining para makuha ang proyektong hindi dumaan sa tamang proseso at public bidding.
Sa reklamo ni Balagtas, nakipagsabwatan umano si Fernando at mga opisyal ng TCSC para mapasakamay ang proyekto nang walang bidding na taliwas sa Section 3 (e) of Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).
Pero sa isang press briefing, ipinahayag ni Governor Fernando na ang reklamo ay isang “demolition job” na walang batayan sa batas o katotohanan.
Ayon kay Fernando, ang mga paratang na nakasaad sa 9-pahinang complaint affidavit ni Francisco Balagtas, na nagpakilalang whistleblower, ay pawang mga kasinungalingan at walang katotohanan.
Tinawag niya itong isang kampanyang panlinlang at misinformation na isinagawa ng kanyang mga kalaban sa pulitika.
Binanggit din niya na ang proyekto ay hindi sakop ng Republic Act 9184 dahil walang pondong ilalabas mula sa kaban ng bayan. Ang proyekto ay ayon sa DENR Administrative Order No. 2020-07, kung saan ang pribadong sektor ang magbibigay ng financing, teknolohiya, at pamamahala para sa dredging activities.
Sa kanyang pahayag, iginiit ni Fernando na walang public procurement process ang kailangan para sa proyekto dahil ang pamahalaang panlalawigan ay hindi gagamit ng pondo ng gobyerno.
Sa halip, kikita pa ang lalawigan mula sa nasabing proyekto. Tiniyak din niya na ang lahat ng operasyon at development processes ng kanyang administrasyon ay sumusunod sa umiiral na mga batas at direktiba.
Sa kabila ng mga alingawngaw at akusasyon, mahalaga ang pagpapalaganap ng tamang impormasyon. Ang mga ganitong kaso ng demolisyon ay naglalayong sirain ang reputasyon ng mga opisyal na may integridad, at magdulot ng kalituhan sa publiko. Ang mga walang batayang paratang ay hindi lamang nakasisira sa reputasyon ng mga inakusahan kundi pati na rin sa tiwala ng publiko sa kanilang mga lider.
Inatasan na ni Governor Fernando ang kanyang legal team na papanagutin ang mga nasa likod ng demolition job na isang mahalagang hakbang tungo sa katarungan. “Hindi dapat palampasin ang ganitong mga taktika na naglalayong sirain ang tiwala ng publiko at hadlangan ang mga proyektong makabubuti sa komunidad” – wika ni Fernando.
Ang pagsusumikap ni Fernando na ipagtanggol ang kanyang integridad at ang proyekto ay isang paalala sa lahat na ang katotohanan at katarungan ay dapat mangibabaw sa kabila ng mga pagsubok sa mundo ng pulitika.
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com.