Advertisers
PINALAYA sa kulungan ang dalawang miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (SAF) commando na inarestong nagsuntukan sa Ayala Alabang Village sa Muntinlupa City nitong nakaraang Sabado, kungsaan nabisto din silang rumaraket bilang security escort ng isang Chinese national.
Ayon kay PNP spokesperson Colonel Jean Fajardo, agad silang pinasundo ng director ng SAF upang dalhin sa headquarters sa Fort Sto. Domingo, Sta. Rosa, Laguna para isailalim sa restrictive custody habang dinidinig ang kanilang kaso.
Ayon pa kay Fajardo, bukod sa dalawang nagsuntukan, isasailalim din sa restrictive custody ang limang opisyal at dalawa pang tauhan ng SAF habang gumugulong ang imbestigasyon.
Kabilang sa mga sinibak at inilagay sa restrictive custody ang battalion commander na may ranggong Lieutenant Colonel, dalawang company commander na parehong may ranggong Kapitan, dalawang platoon leader na pawang may ranggong Lieutenant, at dalawang non-commission officers.