Advertisers
MAITUTURING nang patay ang kontrobersyal na Resolution of Both Houses no. 6 kung si dating Senate President Juan Miguel Zubiri ang tatanungin.
Sa ilalim ng dating liderato ni Zubiri sa Senado ay umarangkada ang Charter change (Cha-cha) sa sub-Committee on Constitutional Amendments na dating pinamumunuan ni Senator Sonny Angara kung saan nito lamang Biyernes, nagsimula na ang regional consultation sa panukala sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Pero dahil napatalsik na si Zubiri at si Senator Chiz Escudero na ang pumalit na Senate President, sinabi niya na goodbye Cha-cha at kanselado na rin ang mga pagdinig dito.
Aniya, batid naman na kabilang si Escudero sa mga senador na tutol sa Cha-cha kaya dito pa lang ay pwedeng ituring na patay na ang RBH6.
Maliban kay Escudero, ilan pa sa mga mambabatas sa Mataas na Kapulungan na tutol sa Cha-cha ay sina Senators Cynthia Villar, Imee Marcos, Risa Hontiveros at Minority Leader Koko Pimentel.
***
Samantala kumpiyansa naman si House Speaker Martin Romualdez na ikukunsidera ng Senado ang pagtalakay sa amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.
Inihayag ito ni Romualdez sa pagkakatalaga kay Senator Chiz Escudero bilang bagong Senate President.
Ayon kay Romualdez, ipauubaya niya ang kapalaran ng economic chacha sa Senado dahil napagtibay na ng Kamara ang Resolution of Both Houses o RBH7.
Sabi ni Romualdez, naniniwala siya na ikukunsidera ng Senado ang mga isinusulong na reporma at amyenda sa ating saligang batas dahil ang mabebenepisyuhan ay ang ating mga kababayan.
Umaasa si Romualdez na magpapatuloy ang magandang relasyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa kabila ng pagbabago ng liderato sa Senado.
Naniniwala si Romualdez na alam ni Escudero ang mga priority bills na dapat aksiyunan lalo na kapag nagsimula ang third regular session ng 19th Congress.
Dagdag pa ng House Speaker, wala pa silang pagkakataon ni Escudero na makapag-usap simula nang maitalaga ito bilang Senate President.
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com.