Advertisers

Advertisers

IN NA IN…

0 11

Advertisers

IN na in talaga ngayon ang nangyari sa Senado sa pagkatanggal ni Migs Zubiri bilang Pangulo ng Senado. Ngunit hindi ito ang unang beses na nakatikim si Migs ng soplak. Matatandaan na noong Agosto 3, 2011 nagbitiw siya matapos mapatunayan na nandaya siya sa bilangan sa eleksyon kung saan dapat si Koko Pimentel ang iniluklok; pasalamat sa administrasyon ni Pandak. Fast-forward tayo sa kasalukuyan; Mayo 20, 2024 nag resign ulit dahil pinilit ng mga kasapakat, este, kasama sa Mataas na Kapulungan. Ang mga nagpatalsik sa kanya ay ang mga sumusunod: Allan Peter at at Pia Cayetano, Bato de la Rosa, Francis Escudero, Jinggoy Estrada, Bong Go, Lito Lapid, Imee Marcos, Bong Revilla, Francis Tolentino, Raffy Tulfo, Robin Padilla Grace Poe, Cynthia at Mark Villar.

Suriin natin: Ang magkapatid na Allan at Peter ay pro-duterte, si Peter ay pro-China pati. Si Bato de la Rosa ang umupong pangulo sa sesyon na nagpatalsik kay Zubiri, na nagbigay daan upang iluklok sa Francis “Chiz” Escudero bilang bagong pangulo ng Senado. Si Jinggoy ay lumagda rin. Sinabi ko na ba na ang mga nabanggit ko ay ka-alyado ng dating serial-killer na pangulo? Sa pagpapatuloy ng pagsusuri ng inyong abang alingkod, nariyan si Bong Go na isang pang pro-Duterte at pro-pulahang tsina; si Lito Lapid na sasagwan ayon sa kati ng pamumulitika.

Andiyan si Imee Marcos na sasagwan papunta sa interes niya. Si Bong Revilla, na pinalad na mahalal muli kahit na nadawit sa Napoles scam. Si Francis Tolentino na nagpapatunay na ang pagiging hunyango sa pulitika ay kapaki-pakinabang (tama ba Manang Babs?) sa pagpatuloy, si Raffy Tulfo, is pang oportunista in-aid-of-reelection, si Robin padilla, isa pang pro-Duterte na inaakala na ang pagiging senador ay magagawa ng pagiging ungas sa pananalita at pagsuklay ng bagote; si Grace Poe na kahit hindi napatunayan ang kanyang pagka-Pilipino, pinatunay ang kanyang pagiging doble-kara. At yung mag-inang Cynthia at Mark Villar.



Ang dalawang ito ay inaasahan na boboto sa pagpatalsik dahil una, maka Duterte sila, at ang pagiging maka-duterte ay mainam sa kanilang makasariling agenda. Siya nga pala Senator Mark, ano ang balita sa nangyari sa Riverdrive na project mo?… Naayos na ba ang gumuhong bahagi ng kalye at bundok na gumuho? ‘Eka nga just asking for a friend?

Bagaman, hindi ako panig kay Migs o kay Chiz, o kung kanino mang Ponsyo Pilato mailuklok diyan. Ang mahalaga sa akin ay kung ang ginagawa nito ay pabor ba sa taumbayan na nagbabayad ng mga sweldo niyo? Talagang in-na-in ang baligtaran ngayon. Sa halip na iluklok natin ang mga taong tunay na magsisilbi sa Taumbayan pinili natin ang mga hunghang para mamuno. Kapuna-puna na hindi serbisyo-publiko ang ginagawa niyo kung hindi serbisyo pansarili.

Sana mamulat na ang ating mga mata sa katotohanang pilit nilang pinipiring ito sa pamamagitan ng pagpapa-cute, pakanta-kanta at pang-uuto. Pilitin natin magtiyaga sa kanila. Binoto natin eh.

***

SA ngayon maraming ispekulasyon tungkol sa pagkatao ni Alice Guo, isa dito ang ama niya ay kasapi ng CPP United Front. Ang CPP United Front ay sangay-sibilyan ng PLA. At ang pagkatao ng ina ay hindi matiyak dahil ayon sa sinumpaang salaysay niya iniwan nila nito noong sanggol pa lamang siya. Samakatuwid ang dalawang nakababatang kapatid nito si Sheila at Siemens na ipinanganak pagkatapos niya? Walang masama sa pagiging isang “love child.” Ssubalit kung ginagamit mo itong dahilan ng drama mo at hindi ka nagbibigay ng simpleng sagot sa mga simpleng tanong na katulad ng “sino best friend mo nung bata ka pa” aba, may hulog ka, lalo na kung ang tinatanong ay ang makakatulong sa lahat na maliwanagan sa pagkatao mo.



Gayunpaman, ipinatatawag ni Sherwin Gatchalian ang ama ni Alice Guo upang sagutin ang ilang matalinhagang tanong. Sa opinyon ng abang kolumnistang ito maaaring hindi espiya si Guo kundi isang tsino na ginagamit ang matalinhagang pagkatao upang magbalatkayong Pilipino. Pero hindi ako magtataka kung alagad nga siya ng pulahang tsina, at ang POGO activities niya ay bahagi ng “asymmetrical warfare na inilunsad ng pulahang tsina sa ating bansa.

Didiretsuhin ko na kayo, maaaring malabo maungkat kung may koneksyon ang taong ito sa CPP o PLA, pero tiyak ko hindi siya Pilipino. Malas natin na nakalusot siya dahil sa COMELEC, pero mas malas siya dahil isiniwalat ang ginagawa nila kung nagkataon. Dahil dito maging masidhi ang ating panunuri sa mga taong ganito. Sa ngayon dalawang bagay ang maliwanag:

Una, espiya si Alice Guo na ipinuslit ng pulahang tsina o sino pa man upang magtago at sa tamang panahon isagawa ang habilin sa kanila ng mga poon nila, na nagtayo ng POGO operations para sa pulahang tsina; o kasapi siya ng sindikatong namamahala ng POGO. Isa lang ang natitiyak ko. Si Alice Guo ay hindi Pilipino. Kasihan nawa tayong lahat ni Poong Kabunian. Mabuhay ang Pilipinas.

***

Jok Taym:

Mula sa isang OFW na itatago lamang sa pangalang Mariz Hidalgo:

JUAN: Pabili po ng Asukal…
MANANG: Heto ang asukal mo…
JUAN. Bakit po asukal ang nakasulat
dito?!?…
MANANG: Asukal yan, sinulat ka lang na
sin para malito ang langgam at
hindi langgamin…

***

mackoyv@gmail.com