Advertisers
DAHIL nalalapit na ang 2025 elections ay muling tatalakayin ng pitak na ito ang usapin hinggil sa isyu ng political dynasties at kung bakit kailangan nang amyendahan o palitan ang Konstitusyon ng bansa.
Sabi ng Section 26, Article II ng 1987 Constitution: The State shall guarantee equal access to opportunities for public service and political dynasties as may be defined by law.
Mula noon, kung may nagtangka man na magpanukala ng isang anti-dynasty bill, ang tiyak, di ito makapapasa sa House of Representatives na karamihan, magkakamag-anak ang nagpapalitan sa puwesto dahil sa may term limit sa pag-upo ng isang politiko.
May problema ang Section 26, dahil nakasulat “The State shall …” – na sa tingin ko, walang puwersa na obligahin ang mga mambabatas na gumawa ng batas laban sa political dynasty, at kapag ginawa nila, sila ang unang tatamaan.
Sa tingin ko, mas dapat isulat ay “The State MUST guarantee …” sa halip na salitang “Shall.”
Kung sinabi sa batas ay “The State must guarantee …”, ito ay malinaw na utos, obligasyon at responsibilidad ng estado na gumawa, magpasa at mapagtibay sa isang batas laban sa dinastiya ng mga politikong magkakapamilya.
Isa pang problema sa Section 26 ay paano ba bibigyan ng kahulugan ang salitang “political dynasty,” kasi isa ito sa magiging matinding debatihan kung hanggang saan salin ng dugo o relasyon ng magkakapamilya ang pagbabawalang makatakbo sa halalan.
‘Yan ang nakikita kong ilan sa mga problema sa pag-amyenda o sa planong paglikha ng ating bagong Saligang Batas.
***
Kontra sa demokrasya ang political dynasty – na ating nakita sa nakaraang eleksiyon 2022: Hindi isang Marcos lamang ang nakapuwesto sa gobyerno: bukod kay Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., senador ang ate Imee niya, kongresista ng Ilocos ang anak ni PBBM na si Sandro, lahat yata ng matataas na puwesto sa gobyerno sa Ilocos Norte ay dugong Marcos.
Pinsang buo ni PBBM ang ating Speaker Martin Romualdez at iba pang politiko ay kaanak nila sa Tacloban City.
Si VP Sara Duterte ay anak ni dating Pres. Rodrigo Duterte, at kongresista si Pulong at Davao City mayor naman si Baste.
Senador naman ngayon ang dalawang anak ni dating Pres. Erap Estrada na sina Senate president pro tempore Jinggoy Estrada at JV Ejercito; magkapatid na senador sina Alan Peter at Pia Cayetatano; mag-ina sina Sen. Cynthia at Mark Villar; kapatid ni Sen. Mark si Las Pinas Rep. Camillie Aguilar Villar, at tiyahin niya si Mayor Mel Aguilar.
Ang ama ni Sen. Mark, the richest man in the Philippines ay dating Speaker at Senate President!
Mayor ng Valenzuela City ang kapatid ni Sen. Sherwin ‘Win’ Gatchalian na si Weslie at dating congressman, ang ngayon ay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian; si Senador Migz Zubiri ay anak ng matagal na naging gobernador ng Bukidnon, si Joe Zubiri at dati ring gobernador ang kapatid niyang si Joe Zubiri, Jr.
Deputy House Speaker si Cong. Eddie Villanueva na tatay ni Sen. Joel Villanueva, at ang kauupo lang na Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero ay anak ni dating Agriculture Sen. Salvador ‘Sonny’ Escudero III sa panahon ni dating Prez. Marcos Sr.
Sa maraming probinsiya, siyudad at bayan, angkan-angkan, pami-pamilya ang halal o kaya ay ini-appoint sa gobyerno: Sa Cavite – mula kay Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., ang kapatid niya na si Strike ay dating kongresista at ngayon ay mayor ng Bacoor City, at Cavite District 2 Rep. si Madam Lani Mercado-Revilla; Dist. 1 Cong. Jolo Revilla; Agimat partylist Rep. Bryan Revilla; at ang pinakamatandang kapatid nina Sen. Bong at Mayor Strike ay vice mayor ng Bacoor si Rowena Bautista-Mendiola.
Kapatid ni Gov. Juanito Victor ‘Jonvic’ Remulla Jr. si Justice Sec. Boying Remulla na ang binakantehang puwesto sa Cavite Dist. 7 ay napanalunan ng kanyang anak na si Ping Remulla.
Sa Imus, alkalde si Mayor Alex Advincula at anak niya si 3rd Dist. Cong. Adrian Jay Advincula; Barzaga country naman ang Dasmarinas, nagpapalitan lang noon ang namayapang Pidi Barzaga at asawa nitong si Jenny sa pagka-alkalde at pagka-congressman at konsehal ang panganay na anak na si Kiko Barzaga; sa Carmona, nagpapalitan din ang mag-asawang Roy at Dahlia Loyola sa puwestong alkalde at kongresista; at gayundin sa Gen. Trias City, palitan lang ng puwesto ang magkapatid na Mayor Jonjon at Cong. Ony Ferrer; at magkakapatid sina Cavite City Mayor Denver Christopher Chua, Noveleta Mayor Dino at Bokal Davey Reyes Chua.
Mahigit nang apat na dekada ang pamilya Tolentino sa Tagaytay City, na kapatid ni Sen. Francis Tolentino si Mayor Bambol, mga pamangkin sina Vice Gov. Athena at 8th Dist. Rep. Aniela Bianca Tolentino.
Hindi na natin babanggitin pa ang iba pang LGUs na magkakapamilya, magkakadugo ang nakapuwesto sa iba-ibang puwesto sa lokal at nasyonal na pamahalaan.
***
Pero ang katotohanan, mayroong mabubuti at mayroong masasamang political dynasty.
Masisiguro ang paglago ng kabuhayan at programa sa isang lokalidad kung matitino ang namamayaning pamilya o angkan ng politiko, pero sa masasamang politikong naghahari, patuloy na kahirapan, kaapihan at walang hustisya ang daranasin ng mga mamamayan.
Wala silang tinig at masasabing ang pamamahala ng masasamang dinastiya ay anti-demokrasya at diktatoryal.
***
‘Yung term limit sa 1987 Constitution ay isinulat para raw mapigil ang political dynasties sa layuning mapalawak ang paglahok ng maraming iba pa sa eleksiyon, pero sa klase ng eleksiyon natin na umiiral ang ‘Gold, Gun and Goons” na lalo pang pinalalakas ng maraming reklamo ng pandaraya na ang itinuturo ay ang Commission on Elections, lalo na nang mauso ang “Smartmagic” results ng halalan, malabong maging demokratiko ang ating halalan.
Kahit na ano pang reporma sa eleksiyon ang naisabatas na, hindi pa rin nawawala ang karahasan, patronage, elitismo at mahika ng salapi na mahalagang sangkap para manalo sa kahit pinakamababang yunit ng politika sa atin.
Ating nasaksihan noong October 2023 Barangay at SK elections (BSKE) na kahit sinasabing non-partisan ang BSKE, lantad na lantad sa atin ang mga binasbasan ni Mayor, ni Congressman, ni Governor na mga nanalo, di po ba dear readers?
***
May nagsasabi naman na bakit hindi obligahin ng Supreme Court ang Lehislatura na sundin ang sinasabi ng Section 26 para magsabatas ng anti-political dynasty.
Mandato ng Constitution ang Section 26 na hindi ginagawa ng Kongreso at Senado, at kung gagawin ito ng SC, ano ang mangyayari?
Constitutional crisis dahil nakikialam ang SC sa trabaho ng Lehislatura na co-equal nito na sangay ng ating republika.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.