Advertisers
INIHAYAG ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Chief, Police Major General Jose Melencio Nartatez Jr, na hindi lahat ng sasakyan ng Philippine National Police ay pwedeng dumaan sa kahabaan ng Edsa Bus Carousel lane.
Ito ang nais ipaalala ni Nartatez na ipinarating sa mga miyembro ng NCRPO at mga nasasakupang Distrito sa pamamagitan ni NCRPO Regional Staff chief, P/Brig. General Rolly Octavio.
Ipinalabas ni NCRPO chief ang guidelines base sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Resolution No. 20-002, na tanging on-duty ambulances, fire trucks at PNP Vehicles ang awtorisadong gumamit ng Edsa Bus Lanes.
Ipinaliwanag din ni Nartatez, ang mga PNP vehicles na sangkot sa pagpapatupad ng batas tulad nang paghabol sa mga kriminal o hot pursuit operation ang pinapayagang dumaan EDSA busway.
Ayon sa NCRPO, pinapahintulutan din ang mga sasakyang ng pulis na dumaan sa Edsa Bus Lanes kung ang mga ito ay reresponde sa emergency cases kabilang ang pagliligtas sa mamamayan lalo na kapag may kalamidad, maging gawa ng kalikasan o gawa ng tao.
Gayunpaman, hindi pinapayagan ang mga sasakyan ng mga opisyal o miyembro ng PNP lalo na NCRPO na dadalo lang sa meeting o anumang okasyon at pagpupulong ay mahigpit na pinagbabawalang gamitin ang bus lane.
Para maiwasan ng mga pulis na lumabag dahil lalabas itong pag-abuso sa kanilang tungkulin na bukod sa paglabag sa MMDA regulation ay posible ding maharap sa kasong administratibo. (JOJO SADIWA)