Advertisers
WALANG nakita na mga armas pero bulto-bultong iligal na droga ang natuklasang nakatambak sa sinalakay na “scam farm” sa Porac, Pampanga, na hinihinalang ipinapabatak sa mga empleyado nito.
Ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Winston Casio, nasa limang gusali palang sa nasabing scam farm ang napapasok ng mga awtoridad mula sa 46 gusali na nakatirik sa lugar.
Aniya, marami sa mga nadakip na dayuhan ay lulong na sa iligal na droga.
Sa katunayan, hindi na aniya itinatago ng mga nakadetineng dayuhan sa Pasay City Police ang kanilang pagka-adik sa shabu at lantaran pang nagpapa-deliver nito sa kanilang kulungan.
Posible aniyang sinadyang ipalulong ang mga ito sa iligal na droga para sumunod sa utos ng kanilang mga superior.
Samantala, kumbinsido si Casio na papalo pa sa ilang kilo ng shabu ang matutuklasan sa mga gusali sa sandaling makumpleto na ang pagsuyod sa mga ito.
Samantala, kinumpirma ni Casio na nadakip sa kanilang ikinasang raid ang isang puganteng Chinese national mula sa mainland China.
Nagkunyari pa aniya ang pugante na kukuha lamang ng mangga sa lugar pero agad nila itong pinosasan. Tumanggi ang PAOCC na pangalanan ito pero base sa kanilang pag-iimbestiga, tumambad sa cellphone nito ang mga video ng mga patay na tao.
Napag-alaman din ng mga awtoridad na suspek ito sa iba’t ibang “crimes of violence” sa China, at sangkot din sa maraming scam hub, hindi lang sa Porac, kundi sa buong bansa.
Ayon sa PAOCC, isinailalim na sa inquest proceeding ang naarestong pugante kasama ang nasa 160 foreign nationals na kanilang naaresto sa operasyon sa Porac raid.