Advertisers
KINUYOG at sinuntok ang isang reporter ng mga miyembro umano ng transport group na Manibela habang nasa coverage ito ng isinasagawang kilos protesta ng transport group sa harap ng LTFRB main office sa East Avenue Quezon City nitong Lunes ng umaga, Hunyo 10, 2024.
Kinilala ang biktima na si Val Gonzales, reporter ng DZRH.
Sa ulat, habang nagsasagawa ng kilos protesta ang grupo ng Manibela sa naturang lugar, ini-report ni Gonzales ang naturang sitwasyon.
Base sa reklamo ni Gonzales, kinuyog siya ng ilang miyembro ng grupo ng Manibela at may sumuntok pa sa kanya habang nagre-report.
Kaugnay nito, hinala umano ni Gonzales na nairita ang Manibela sa kanya sa nai-report na hindi nag- consolidate ang ilan sa hanay ng Manibela sa programa ng pamahalaan na Transport Modernization Program dahilan umano para saktan si Gonzales ng mga ito.
Samantala, nagsampa na ng reklamo si Gonzales sa Quezon City Police District station 10 Kamuning sa ginawang pananakit sa kanya at iniimbestigahan na ng QCPD ang insidente.
Kaugnay nito nagpahayag ng pagkondena sa naturang insidente ang iba’t-ibang grupo ng mamamahayag sa Metro Manila partikular na ang Quezon City Journalist Group.
Umaasa naman ang QCJI na magiging patas ang gagawing imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa insidente.
Binigyang diin ng QCJI na ginagampanan lamang ni Gonzales ang kanyang trabaho para sa isang malayang pamamahayag. (Boy Celario)