Advertisers
Gagawâ na ng mga hakbáng ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay sa ipapatupád na “no trespassing” policy ng China sa iláng bahagì ng West Philippine Sea (WPS) simulâ sa darating na Sabado, ika-15 ng Hunyo.
Paiigtingín na nitó ang pagpapatrulya sa lugar katuwang ang mga kaalyadong bansâ sa rehiyon, ayon sa pahayág nitóng Miyerkulés ni Commo. Roy Vincent Trinidad, ang tagapagsalitâ ng Philippine Navy ukol sa West Philippine Sea.
Aniya nababahalà din ang ibáng bansâ sa magiging resulta ng bagong polisiya ng China.
Dagdág pa niyá, may ugnayan at koordinasyón na ang Navy sa Philippine Coast Guard (PCG) at sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para matiyák na patuloy na makakapangisdâ sa rehiyón ang mga Filipino.
Sabi pa ni Trinidad na walá namán mangyayaring masamâ at ang kaniláng ginagawáng hakbáng ay para makaiwas nga sa hindí kanais-nais na sitwasyón.
Una nang binigyáng kapangyarihan ng China ang kanyáng coast guard na hulihin ang sino mang banyagà na papasok sa itinalagâ niláng “no trespassing zone” sa WPS.
***
Samantala naging makasaysayan naman ang ginawang flag raising ceremony ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa BRP Teresa Magbanua ngayong ika-126 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.
Ayon sa PCG, ginawa ang flag ceremony sa kabila ng banta ng mga nakapaligid na barko ng China na nasa pinag-aagawang teritoryo.
Kasalukuyang nasa Escoda Shoal ang nasabing barko ng PCG para magbantay sa patuloy na presensya ng Chinese militia at hinihinalang reclamation activities doon.
Sabi ni PCG Spokesperson Armand Balilo, walong barko ng China ang namataan sa loob ng Escoda Shoal habang may apat pa sa labas nito.
Kamakailan, lumabas sa pag-aaral ng University of the Philippines na halos isandaang porsyento nang patay ang coral reefs o mga bahura sa Escoda Shoal matapos ang isinagawang marine scientific survey.
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com.