Advertisers
KUNG mananatiling kampante at di umaaksyon si Amadeo, Cavite Mayor Redel John B. Dionisio ay di malayong lalong malublob sa kahirapan ang kanyang mga kababayan pati na ang mga coffee trader sa di pa gaanong maunlad na bayang ito sa lalawigan ni Cavite Gov. Junvic Remulla. Ang dahilan ay ang pagkagumon sa ipinagbabawal na sakla na laganap sa halos lahat na sulok ng mga barangay sa naturang bayan.
Isang alyas Hero na hindi lamang sakla operator kundi hayag ding shabu supplier ang nagpapatakbo ng may 10 permanente o puesto pijo na saklaan, pinakamalaki at malakas ang tayaan nito ay sa Brgy. Maitim 1 sa bayang tinatagurian pa namang coffee capital ng Cavite.
Ngunit kahit na ang may malalaking kapitalista sa bentahan ng “barakong kape” na popular din sa karatig lalawigan ng Batangas ay napupordoy dahil sa pagkalulong sa madadaya at walang kapana-panalong saklaan na laganap lalo na sa 12 Poblacion barangay ng Amadeo.
Ayon sa mga nagrereklamong residente ay noong ang namayapang alkalde, Albert Ambagan Sr. ay hindi nakapag-ooperate ng sakla si alyas Hero at ang mga katropa nitong sina Elwyn, Ka Minong at Anacan. Iilan pa lamang sa mga taga Amadeo ang nahihilig sa pagsasakla pagkat kailangang dumayo pa sila sa mga karatig na bayan Maragondon, Magallanes, Bailen, Naic, Ternate, Noveleta, Dasmariñas, Bacoor, Tagaytay at Cavite City kung saan ay talamak ang operasyon ng naturang sugal.
Ngunit nang maluklok sa puwesto bilang alkalde ang butihing Redel John B. Dioniso ay mistulang singaw na sumulpot ang drug pusher na si alyas Hero at ang mga kakutsaba nito.
Hindi makaporma si Amadeo Police Chief Major Gilbert H. Derla sa takot na “ipatapon sa kangkungan” ng padrino ni alyas Hero. Ipinagyayabang ni alyas Hero na kasosyo nito ang isang alyas Richard M. na nagpapakilala namang bagman ni Cavite PNP Provincial Director Col. Eleutero Ricardo Jr.
Talaga namang dapat mangurag si Maj. Derla pagkat OIC Police Chief pa lamang ito sa Amadeo Municipal Police Office at anumang oras na mapagdiskitahan ito ni alyas Richard dahil sa di pakikipagtulungan na makapag-operate ang sangkaterbang saklaan sa Amadeo ay maaaring mainguso ito sa kanyang ipinagyayabang na boss at maitalaga sa “outside Region 4” at posible pang sa Autonomous Muslim Mindanao Region (ARRMM).
Bukod sa operator ng mga saklaan sa may 10 bayan at siyudad sa Cavite ay ipainagbabanduhan din ni alyas Hero na gamit ito ni Richard M. na kolektor ng tong sa iba’t ibang mga gambling den lalo na ang mga suki nitong bagsakan ng shabu na rebisahan ng EZ2 bookies sa Brgy. San Luis sa Dasmariñas City na pinatatakbo ng isang alyas Jun Toto, alyas Nitang Kabayo, isang alyas Santander at isang barangay chairman. Laganap na din ang EZ2 bookies ng mga ito sa halos lahat na bayan at siyudad ng Cavite na di napapaaksyunan ni PD Ricardo Jr. at mga hepe nito.
Marami ding mga pergalan (perya na pulos sugalan) na kinokolektahan sina alyas Hero at alyas Richard M. pinaka prominente dito ay ang nasa Brgy. Bucal sa bayan ni Tanza Mayor Yuri A. Pacumio . Dinarayo ito ng maraming gumon sa sugal at droga pagkat lantaran din ang pagbebenta doon ng shabu ng operator na isang alyas Jessica. Si alyas Jessica ay kalaguyo ng isang top ranking police official na nakatalaga sa Cavite Provincial Police Office.
Col. Ricardo Jr., Mayor Dionisio at Tanza Mayor Yuri A. Pacumio, hihintayin pa ba ninyo na kastiguhin kayo at pakasuhan pa nina PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil at PNP Region 4A Director BGen. Paul Kenneth Lucas? May karugtong…
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144