Advertisers
Nito lamang June 1, 2024 ay personal kong nasaksihan ang kababang-loob ng Presidential son at Congressman Sandro Marcos nang umuwi ito ng Pilipinas buhat sa ibang bansa.
Dumating ito sa NAIA lulan ng flight QR932 dakong 5:15 p.m. at nagkataong naroon ako dahil parating din ang aking kapatid.
Same flight sila ni Congressman Sandro. Bagamat may sumalubong na tila bodyguard ay hindi ibinigay ni Rep. Sandro ang kanyang handcarry na maleta at siya pa rin ang patuloy na nagdala nito, hanggang sa pumila siya sa immigration.
Hindi rin siya nagpa- VIP sa immigration o nagpa-assist kahit kanino o sumingit man lang at nakakatuwa na marunong siyang bumati sa mga bumabati sa kanya.
Napaka-simple at walang kayabang-yabang ang taong ito, sa kabila ng kanyang katayuan sa buhay di lamang bilang Congressman kundi bilang anak ng Pangulo ng bansa.
Naalala ko na ganito rin noon nang makita ko ring dumating mula sa ibang bansa sa NAIA ang anak ni dating President Gloria Macapagal-Arroyo na si Luli.
Gaya ni Sandro, hindi rin ito nagpaka-VIP at kahit pa babae ay siya mismo ang may dala ng sarili niyang bagahe. Nakaupong Presidente si GMA nang mga panahong iyon.
Ni hindi makalapit sa kanya ang mga bodyguard niya at siya mismo ang pumila sa immigration at Customs.
***
Umabot sa 49 dayuhang sex offenders ang di pinapasok sa bansa sa unang apat na buwan ng 2024.
Sabi ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco,ang kabuuang bilang ng mga dayuhang sex offenders na hindi pinapasok ng bansa mula January hanggang April ay mas mababa sa 64 na pasahero na tinanggihan sa Philippine airport sa parehong panahon din nung taong 2023.
Ito ay isang malinaw na indikasyon na tagumpay at epektibo ang kampanya ng BI na pigilan ang pagpasok sa bansa ng mga ‘foreign sex offenders’ para malaman ng ibang banyaga na gaya nila na di sila makakapasok ng Pilipinas at huwag na nilang tangkain pa na dito magkalat ng lagim.
Sabi pa nito, dahil sa pinaigting na kampanya ng BI na itaboy ang mga “unwanted aliens” o foreign pedophiles na planong magpunta sa Pilipinas ay nagbabago na ang isip ng mga ito at hindi na tumutuloy ng pagpunta sa bansa.
Nitong unang bahagi ng taon, ang BI ay naglunsad ng Project #Shieldkids Campaign na humihikayat sa publiko na i-report ang mga impormasyon sa mga posibleng sex predators sa bansa o nagtatangkang pumasok sa bansa.
Tinitiyak ni Tansingco na hindi titigil ang kampanya ng BI kontra ‘pedophiles’ at iginiit na ang ahensya ay obligadong protektahan ang mga kababaihang Filipino at mga bata laban sa mga dayuhang ‘sex predators’.
Ayon sa datos ng BI, ang bulto ng mga tinanggihan o itinaboy na mga dayuhan ay pawang mga registered sex offenders (RSOs), o iyong mga may record na nahatulan sa sex crimes sa kani-kanilang pinagmulang bansa.
Ang iba naman ay akusado o sinampahan ng reklamo dahil sa sex offenses ng kanilang mga biktima at ipinadala ang impormasyon sa BI bilang intelligence information mula sa kani-kanilang gobyerno.
Nanguna sa listahan ng mga hindi pinapasok ng bansa na mga sex offenders ay ang Americans sa bilang na 35, sumunod ang United Kingdom at Germany.
Maliwanag din na nakasaad sa Philippine immigration act na ipinagbabawal ang pagpasok ng mga dayuhan na nahatulan sa krimen na may kinalaman sa moral turpitude.
Congratulations sa BI sa pamumuno ni Comm. Tansingco.
Isipin na lamang natin kung nakapasok sa bansa ang 49 sex offenders na ito. Siguradong maraming magsusunuran pag nalaman nilang maluwag ang ating bansa sa mga ganitong klaseng banyaga.
Higit pa riyan, ilang kababaihan at batang babae ang maari nilang mabiktima? Nakakakilabot isipin.
Ang lahat ng ‘yan ay utang din ng bansa sa masisipag na mga tauhan ng intel ni Tansingco na pinamumunuan ni Fortunato ‘Jun’ Manahan, Jr. at mga kasamahan nito na sina -I-PROBES chief Bienvenido Castillo III, FSU chief Rendel Ryan Sy at mga miyembro ng mga immigration teams na naka-assign sa NAIA terminals.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.