Advertisers
NAGPAHAYAG ng labis na pagkabahala ang pamunuan ng Southern Police District ( SPD) hinggil sa pagdagsa ng mga insidente nang pamamaril sa bahagi ng Southern Metro Manila na kanilang ‘area of responsibility’, napag-alaman sa ulat kahapon.
Ayon kay SPD District Director PBGen Leon Victor Z Rosete, sila ay labis na nababagabag sa kamakailang pagdagsa ng mga insidente ng pamamaril sa loob ng kanilang komunidad bagama’t naiintindihan nila ang takot at pag-aalala ng mga residente ay tiniyak naman nito ang kaligtasan at seguridad ng bawat indibidwal at nananatiling pangunahing priyoridad.
Binigyang-diin ni Rosete na ang bawat isa sa mga insidenteng ito ay itinuturing bilang isang nakahiwalay na kaso. Ang mga dedikadong opisyal ng pagpapatupad ng batas ay walang pinag-iiwan sa kanilang pagsisikap na dalhin ang mga responsable sa hustisya.
Bukod dito, mas lalong pinaigting sa lahat ng istasyon ng pulisya sa Southern Metro Manila ang presensya sa pamamagitan ng mas maraming patrol at pagpapatupad ng mga strategic checkpoints. Ang mga proactive na hakbang na ito ay naglalayong hadlangan ang criminal activities.
Inatasan din ni PBGen Rosete ang kanyang mga tauhan na doblehin ang kanilang mga pagsisikap sa pagtugon sa kriminalidad, karagdagang puwersa ng kapulisan at imbestigahan agad ang mga insidente ng karahasan upang mahuli ang may kasalanan.
“Hindi natin kayang harapin ang hamong ito nang mag-isa. Hinihimok namin ang mga miyembro ng komunidad na manatiling mapagbantay at mag-ulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad o impormasyon na maaaring makatulong sa amin sa aming mga pagsisiyasat.”pahayag ni Rosete
Idinagdag pa, ang pakikipagtulungan ay napakahalaga sa sama-samang pagsisikap upang matiyak ang kaligtasan ng mga kapitbahayan. (JOJO SADIWA)