Advertisers
Bangkay na nang matagpuan ng mga tauhan ng Caloocan Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD) ang 8-anyos na lalaki na naunang naiulat na nawawala nang mahulog sa Pag-asa Creek sa Brgy. 176, Caloocan City.
Alas-2:25 nang makatanggap ng tawag ang CDRRMD hinggil sa pagkahulog ng biktimang kinilalang si Jhayson Anderson Manrique sa nasabing creek.
Agad na inatasan ni Mayor Along Malapitan ang CDRRMD at City Social Welfare and Development Department na maglagay ng command center sa lugar at makipag-ugnayan nang mahigpit sa pamilya ng biktima.
Inabot ng magdamag at nagpatuloy ang search and rescue operation sa nawawalang biktima hanggang 8:00 ng umaga nitong Martes nang matagpuan sa Saog Bridge, Marilao, Bulacan si Manrique ngunit wala na itong buhay.
Nangako naman si Mayor Malapitan ng burial assistance sa naulilang pamilya.(Beth Samson)