Advertisers
Nasunog ang nasa 27 na kabahayan sa Barangay 234 sa Tondo sa Maynila, 9:26 ng gabi nitong Linggo.
Ayon kay F/Insp Ronald Lim Ronald Lim, Bureau of Fire Protection Manila Station 1 commander, agad iniakyat sa ikalawang alarma ang sunog dahil mabilis na lumaki ang apoy dahil gawa sa light materials ang mga bahay.
“Sa investigation bandang gitna pa ang pinagmulan ng sunog, so lumabas sa Antonio Rivera, tapos lumabas din ang sunog sa Abad Santos,” sabi ni Lim.
“Kung makikita niyo tumagos dito sa Antonio Rivera, malaki naman kalsada. Ang problema lang sa Villaroel, sa may Abad Santos. kasi doon eskinita lang doon, mahirap sa atin ito dahil maliit ang esikinita,” dagdag ni Lim.
Naapula ang sunog 1:30 ng madaling araw.
“Yung linya ng tubig naipasok naman bale nakapaglatag ng 10 linya bawat kumpanya. so maraming naibaba so nai-kontrol naman ang sunog para hindi na lumaki pa,” wika pa ni Lim.
Walang naitalang nasugatan o nasawi sa sunog pero problemado ang ilang mga residente kung saan titira.
Wala rin silang naisalbang mga gamit.
“Wala pong natira sa amin, tupok po lahat, kahit isang damit wala kaming nailigtas. Pasalamat nalang po ako nailigtas po lahat ng apo ko. Bale po apat po kaming pamilya sa isang bahay po, kanya-kanyang kuwarto lang po,” sabi ni Rebecca Esteban, isa sa mga nasunugang residente.
“Dahil po humihingi po kami ng konting tulog dahil nasunugnan kami, para sa mga apo ko at anak ko. Ngayon po wala kaming matirhan ni hindi namin alam saan kami matutulog ngayon,” dagdga niya.
Ganito rin ang panawagan ni Fortune Esteban, na natupok din lahat ng kagamitan sa sunog.
“Sa may magandang kalooban dyan sana matulungan nyo po kaming mga kapitbahay ko po, maraming maraming salamat po,” wika nito.
Patuloy namang iimbestigahan ng BFP ang pinagmulan ng apoy at kabuuang halaga ng pinsala nito.(Jocelyn Domenden)