Advertisers
TIYAK umanong manggugulo sa administrasyong Marcos ang mga Duterte kapag nakalusot ang kanilang pamilya sa Senado sa susunod na halalan.
Ito ang inihayag ni dating Sen. Antonio Trillanes IV sa isinagawang Kapihan sa Manila Hotel kung saan hindi malabong guluhin ng mga Duterte ang nalalabing tatlong taon ng administrasyong Marcos kapag may nakalusot sa kanila sa Senado.
Kaugnay nito ay hinimok ni Trillanes ang administrasyon at mga kasamahan noon sa oposisyon na kumilos at bumuo ng alyansa para maagapan ang pinaplanong pagbabalik-kapangyarihan ng mga Duterte.
Samantala, naniniwala naman ang political analyst na si Prof. Edmund Tayao na dapat seryosohin ng publiko at mga partidong politikal ang posibleng pagtakbo ng pamilya Duterte sa darating na 2025 midterm elections.
Naniniwala kasi si Tayao na gagamitin ng mga Duterte ang pagkakataong makapag-ingay at matawag ang pansin ng publiko, lalo’t ipinoposisyon sila bilang oposisyon ng administrasyon.
Aniya, hindi malabong ituloy ng mga Duterte ang pagtakbo kapag nagtagumpay sila sa pag-iingay at kinagat ng publiko ang kanilang diskarte.
***
Nakababahala umano para sa Pilipinas ang planong pagtakbo bilang senador ni dating Pangulong Duterte at mga anak nito na sina Davao City Mayor Sebastian Duterte at Congressman Paolo Duterte sa 2025 midterm elections.
Ito ang inihayag ni former Senator Antonio Trillanes sa naging panayam ng media sa kanya kasunod ng pahayag ni Vice President Sara Duterte na tatakbo bilang senador ang kanyang ama at mga kapatid.
Giit ni Trillanes, paraan lang ito ng mga Duterte para makabalik sa pwesto at pangunahing layunin lang nito ay i-hostage ang administrasyong Marcos.
Wala naman aniyang gagawin na maayos ang mga Duterte kung sakaling makabalik ito sa kapangyarihan.
“Nilugmok lang nila ang ekonomiya ng bansa, maraming pinatay na inosente na Pilipinong mahihirap at itong ekonomiya talagang bumagsak, lumubog tayo sa utang. Ang dami pa nilang ginawa, itong mga problema sa POGO, ngayon sila ‘yan at ito ngayong corruption issues na ginawa sa ahensya ng gobyerno, naglalabasan ngayon, kaya mas nakakabahala yung mga ganon posibilidad at pag nag-senador yan, maniwala kayo, walang gagawin yan kundi i-harass lang, leverage ito against the Marcos administration.” – sabi ni Trillanes
Dagdag pa ni Trillanes, bagama’t may hatak pa rin sa publiko ang mga Duterte ay posibleng makaapekto sa kanilang pagtakbo ang mga anomalyang kinabibilangan ng kanilang pamilya gaya ng imbestigasyon ng International Criminal Court kay dating Pangulong Duterte.
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com.