Advertisers
Kumusta na raw ba si dating Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso nitong nakalipas na halos dalawang taon, matapos ang 2022 presidential race?
Well, nagbalik-showbiz at lumalabas sa ilang TV shows sa Kapuso Network, at ngayong parating na ang midterm elections sa 2025, handa na ba si Yorme na bumalik sa politika.
Sa isang interview, sinabi ni Yorme, masaya siya ngayon at ini-enjoy ang panahon sa kanyang pamilya, pero ang tawag ng public service, “laging naman na nandiyan, kahit ngayon, tumutulong tayo sa mga tao.”
Sa show, may exclusive contract siya sa Sparkle simula Hulyo 2023 at kasama siya sa GMA7 action series na “Black Rider” with his son, si Joaquin Domagoso II, at sa Agosto, pa-US siya para sa Sparkle World Tour sa Anaheim, California, with Julie Anne San Jose, Rayver Cruz, Alden Richards, at Aiai Delas Alas.
***
Is he ready to make a comeback to politics, at gaya ng sabi ni Yorme, nasa puso na niya, nasa isip na niya ang serbisyong bayan, lalo na at sa mga survey, kita ang pananabik sa kanya ng mga tao.
Noong Enero 2024, sa isang survey ng OCTA Research, isa sa top preferred candidates para sa Senado si Kois, kasama si Deputy Majority Leader Erwin Tulfo at iba pa.
“Yes, marami ang nagyayaya na isama ako sa kanilang line-up, pero pinag-iisipan ko pang mabuti, at ang nagpapasaya sa akin, ‘yun bang di nawawala ang pagmamahal (ng mga tao) sa akin,” sabi niya Yorme.
At ang malaking tatak ng bilis-kilos na ginawa niya sa Maynila, nasa isip pa rin, nasa puso pa rin ng madla, at nakatayong bantayog ang mga ito.
Tulad ng “build-build project” na Tondominium 1 & 2, pagpapabuti sa serbisyo at pasilidad ng anim na public hospital, ang Corazon Aquino Public Hospital, at ang Covid Field Hospital noong panahon ng pandemyang Covid at, siyempre, ang pagkatanyag ng Maynila na naibalik niya ang dating ningning at glorya ng pagiging Perlas ng Silangang kabisera ng Pilipinas.
Tatak na Traffic Management and Infrastructure Development na ginawa niya — road widening, flyovers, at underpasses, at ang matagumpay na “Clear the Streets” campaign upang tanggalin ang mga ilegal na vendor at obstruksyon sa mga kalsada.
Kung maraming magagaling na college graduates na may magagandang trabaho at nakapag-aambag sa ekonomya ng bansa, utang ito sa ISKOlarship program niya, at maraming maysakit ang gumaling sa kanyang “MediKalinga” program sa mahihirap na Manilenyo.
At ‘wag kalimutan, kahit hindi taga-Maynila, binigyan ng bakuna laban sa Covid at iba pang sakit sa programang ito ni Yorme.
Naalaala ko, yung job fairs at livelihood programs at ang “Manila Job Center” at ang Tourism and Heritage Preservation, pagpapaganda ng historical sites at tourist spots sa lungsod.
Ang kanyang Youth Empowerment, sports development, arts and culture, at leadership training.
Malasakit sa pera ng taumbayan, at kilala ang gobyerno ni Yorme Isko sa prinsipyong Transparency and Accountability na lagi siyang naglalabas ng financial updates or status ng City Hall.
Ano-ano pa ang iba pang mga programa ni Isko Moreno?
Kahit mga seniors, PWDs, aba, marami ang nagint Tekkie sa Isko Moreno Computer Learning Center (ISCOM), at yung mga konti lang ang badyet sa gamot, ‘yung Botika ni Isko ang unang pharmacy sa bansa na itinayo sa loob ng isang opisyal na tanggapan na dun, makabibili ng mura pero de kalidad na mga gamot .
At ang Early Childhood Education na ginagawa ng maraming LGUs, at naaalaala nyo, yung reforestation and environmental preservation na ginawa ni Yorme sa natatanging kagubatan sa Lungsod ng Maynila dun sa Arroceros terrestrial at coastal o marine protected areas.
***
Bakit ko binabanggit ang mga ito, kasi po, naiisip ko, sayang na sayang kungdi na magbabalik-politika si Yorme kasi nga, iba ang brand ng kanyang leadership.
Lideratong nakasentro sa interes ng taumbayan; programang magpapabilis ng ekonomya at foreign policy na bukas ang bisig sa pakikipagkaibigan sa lahat, pero mas una ang interes at kapakanan ng mamamayang Pilipino, at ang integridad at soberenya ng Pilipinas.
He is not closing doors on public service, sabi ni Yorme Isko, lalo ngang laging kasama ang pangalan niya sa top preferred candidates para sa mga senador sa 2025 midterm elections.
Basta lagi na, kung minsan ay nasa ika-lima o ika-6 o ika-7 pasok ang pangalang Isko Morero sa ika-11 politiko na nagnanais maging senador sa 2025.
Noong Mayo 2023 sa Tangere survey, kasama siya ni ACT-CIS partylist Cong. Erwin Tulfo na kumuha ng 64 porsyentong voter preference at kasunod si Yorme Isko at dating Sen. Tito Sotto, na nagrehistro ng parehong may 51 porsyentong voter preference.
Oo, maaaring sa nakaraang survey, medyo bumababa ang voting preference ni Yorme, pero okay lang ito, kasi nga, hindi siya visible sa mga political issues, kasi, mas ini-enjoy muna niya ang pamilya, at ang showbiz.
Sabi nga ni Yorme Isko, hindi nagbabago ang interes niya na tumulong sa taumbayan, at kung karanasan din lang sa legislature, masasabing maalam na siya, kasi nagsibli siyang konsehal at vice mayor ng Maynila at naging pinakamagaling pang mayor ng siyudad, kaya kung magiging senador siya, alam na alam niya ang pulso ng mamamayan — at sa ganitong sandigan niya ilalatag ang mga panukalang batas kung magiging senador.
Isa sa tutukan ni Yorme kung senador siya, ito ay ang pagpapalakas ng healthcare system, pagpapalawak ng health services, at pagbibigay ng abot-kayang gamot sa mga mamamayan.
Alam niya na ang hirap ng isang mahirap dahil lumaki siya sa hirap noong kabataan niya sa Tundo — namulat siya agad sa kahirapan, naging basurero, kargador na katulong ng ama niya na estibador sa Pier at taga-igib ng tubig sa labanderang nanay niya.
Kung senador siya, gagawa siya ng batas para maging affordable ang bahay, tulad ng ginawa niyang Tondominium sa Maynila etc., pero ito ay gagawin niya sa pagsususog ng batas sa Pag-IBIG.
Balita ko, tatapusin lang ni Yorme Isko ang mga komitment niya sa showbiz, at sa nalalapit na paghaharap ng certificate of candidacy sa October, makapagpapasiya na siya at kung anong political party siya sasama.
May alok raw sa kanya mula sa oposisyon at ilan ang nagpapahiwatig na isama siya sa line-up ng administrasyon.
Nakatutuwa nga ito, kasi, patunay ito na ang karisma, ang magic ng pangalang Isko Moreno ay nananatiling matamis sa tainga ng mga botante, at marami nga ang nagsasabi, sa 2025, sigurado nang may upuan siya sa Senado.
Hindi naman ako magtataka na mananalo si Yorme na senador — na kung noong 2022 ay ito ang tinarget niya, tiyak na nanalo siya.
Kung magiging senador siya, ang mga programa de gobyerno na inilatag niya ang kanyang sisikaping maisabatas.
Panahon na para baguhin natin ang tawag sa kanya na “Yorme,” mas matamis na bigkasin at bagay sa kanya ang tawag na Senador Isko Moreno!
Yes, kung katangian, karanasan, karisma, talino at pagmamahal sa bayan, masasabi natin, hinog na, handang-handa nang maging senador si Yorme Isko Moreno.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.